Pagkilala sa sakripisyo ng mga guro
- BULGAR
- 6 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 1, 2025

Ngayong ipinagdiriwang natin ang Labor Day o Araw ng Paggawa, binibigyang pugay ng inyong lingkod ang ating mga gurong humuhubog sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Maraming sakripisyo ang mga guro upang maturuan ang ating mga mag-aaral na maging mahuhusay at mabubuting mamamayan. Kaya naman ngayong Araw ng Paggawa, nais kong bigyang diin ang patuloy nating pagsulong sa kanilang kapakanan.
Isa sa mga hinaing ng mga guro ang paggawa ng mga non-teaching o administrative tasks. Kung babalikan natin ang Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na mahigit 50 administrative at non-teaching tasks ang ipinapasa sa mga guro. Kabilang sa mga ito ang pagiging canteen manager, school-based feeding program coordinator, at kung anu-ano pa.
Lumabas din sa isang pag-aaral ng IDInsight na 42% ng mga guro ang nagtatrabaho ng mahigit 50 oras kada linggo, 17.8 oras sa mga ancillary duties at 8.1 oras sa mga gawaing may kinalaman sa iba’t ibang mga programa. Malaking bahagi ng oras na ito ang inilalaan ng mga guro para sa pag-fill out ng mga forms at mga reports, bagay na nakakaapekto sa kanilang pagtuturo.
Dahil ipinagbawal na sa ilalim ng DepEd Order No. 002 s. 2024 ang pagpapagawa ng mga administrative tasks sa mga guro, maraming kawani ang kakailanganin para sa mga non-teaching tasks sa mga paaralan. May 24,519 na administrative officers (AO II) na tayo noong 2024, ngunit kailangan pang lumikha ng 20,680 items upang matiyak na may administrative officers ang bawat pampublikong paaralan.
Maliban sa pag-alis ng mga non-teaching tasks, tuloy din ang panawagan ng mga guro para sa mas mataas na sahod at dagdag na mga benepisyo. Kaya naman patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang pag-amyenda sa Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 58 taon na ang nakalilipas.
Inihain ng inyong lingkod ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) upang matiyak na natutugunan ng batas ang mga hamong kinakaharap ng ating mga guro.
Kabilang sa mga isinusulong nating pagbabago ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay; mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance; mas maayos na criteria pagdating sa sahod; proteksyon ng mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses; at iba pa.
Iminumungkahi rin nating gawing pantay ang mga sahod, benepisyo, at work condition ng mga probationary teachers sa entry-level teachers. Isinusulong din nating bawasan sa apat mula anim ang oras ng pagtuturo ng mga public school teachers. Batay pa rin sa ating inihaing Revised Magna Carta for Public School Teachers, kung kinakailangang magtrabaho nang hanggang walong oras ang mga guro, kailangan din silang mabigyan ng dagdag na umento. Nais din natin na ipagbawal ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro.
Patuloy nating isusulong ang panukalang batas na ito sa pagpasok ng 20th Congress. Sa ating mga guro, pati na rin sa mga kawani ng ating mga paaralan, maraming salamat sa inyong serbisyo sa ating bansa at sa ating mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments