ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 10, 2024
Ginunita natin kahapon, Abril 9, ang Araw ng Kagitingan.
Eksaktong 82 taon na ang lumipas nang magpamalas ng pambihirang katapangan ang mga ordinaryong Pilipinong sandaling sinanay upang makipaglaban para sa bayan ang hindi basta sumuko sa mga manlulupig noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War 2. Habang ang iba nating karatig na bansa ay nasakop na, nanatiling nanindigan ang ating mga kababayan nang ubos-lakas at buwis-buhay hanggang sa puntong isuko na natin ang Bataan na moog ng ating depensa noong panahong iyon.
Sa kasalukuyan, pangkaraniwan ding mga Pilipino ang nagsisilbing makabagong simbolo ng kagitingan ⎯ sila na hindi bumibigay, hindi nanlulupaypay at hindi sumusuko sa pagpupunyagi para maitaguyod ang pamilya sa gitna ng hirap ng buhay. Tunay na karapat-dapat silang parangalan at bigyan ng pagkilala at paggalang.
Sa aking araw-araw na pagtungo sa iba’t ibang lugar, naaantig ang aking puso na mamalas ang kasipagan ng ordinaryong manggagawang binubuno ang kanilang trabaho nang may tunay na malasakit ⎯ kahit ang kanilang sinusuweldo ay batid kong kapos na kapos sa kanilang pangangailangan. Tila hindi alintana ang hirap na ginagawa nila ang lahat ng makakaya para sa kanilang pamilya at mga anak. Dakilang mga ordinaryong Pilipino ang sama-samang nag-aangat at bumubuhay ng ating pag-asa para sa kinabukasan ng bayan.
Sa paggunita sa wagas na araw na ito, dinarakila rin natin ang isang 21 taong gulang na Batangueñang ating napanood sa KBYN Kaagapay ng Bayan Special sa TV Patrol na ibinahagi ni Kabayan Noli de Castro ⎯ si Janna Aira “Hannah” Magadia. Nakamamangha na sa gitna ng kanyang pagiging second year college student ay inaako niya ang mga trabahong karaniwang mga lalaki ang gumagawa tulad ng pamamasada ng jeepney, pagwe-welding, pagkukumpuni ng tricycle, pagsasaayos ng bumbilya, at iba pa.
Dahil ang ama ni Hannah ay nakikipagsapalaran sa ibang bansa bilang isang overseas Filipino worker, ang dalaga ang pumupuno sa kawalan ng lalaki sa kanilang tahanan upang gumawa ng mga nasabing trabaho na talaga namang masinsin niyang pinagbubuti sa araw-araw. Mayroon din siyang mga sertipikasyon mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
“Gusto ko po na makatulong sa pamilya,” saad ni Hannah. “Bawat galaw, kailangang magbayad ng pera,” dagdag niya. Kaya para makatipid ay inaaral niyang gawin kahit ang mga bagay na tila mahirap para sa mga babaeng tulad niya. YouTube ang kanyang nagiging kaagapay na tagapagturo.
Maging halimbawa natin si Hannah, na maraming sinisikap gawin sa gitna ng kanyang murang gulang; na walang inuurungan basta’t kayang matutunan; na hindi sumusuko sa pag-aaral habang naghahanapbuhay; na inspirasyon ang pamilya sa pagpapakatatag; na sa halip mangulila sa amang nasa ibang bayan ay pinupunuan ng pagmamahal at pagsisilbi ang kanyang tahanan.
Dumami pa sana ang mga tulad ni Hannah. Dumami pa ang mga nagmamahal sa pamilya, mamamayan at bayan. Dumami pa ang mga may taglay na kagitingang hindi matitinag kailanman.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments