top of page
Search
BULGAR

Pagkilala at pagpapasalamat sa mga Pinoy nars

ni Ryan Sison @Boses | November 17, 2023


Isang malaking karangalan para sa ating bansa ang ginawa ng ating mga Pinoy nars mula sa Al Khobar, Saudi Arabia.


Nasa 35 outstanding Filipino nurses mula sa 17 ospital sa Al Khobar, ang pinarangalan ng Philippine Nurses Association Eastern Region, Saudi Arabia (PNA-ERSA) dahil sa kanilang natatanging dedikasyon at serbisyo sa taumbayan.


Ayon kay Rodrigo Umali, presidente ng PNA-ERSA, ang mga naturang nars ay nagbigay ng kanilang serbisyo, lalo na sa panahon ng pandemya, at ito na ang tamang panahon para kilalanin ang kanilang ginawa at iba’t ibang serbisyo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.


Sinabi naman ni Mary Jane Tupas, adviser ng PNA-ERSA, ibinigay nila ang kanilang mapagmahal na pangangalaga o loving care sa mga pasyente, na hindi lamang sa kanilang mga pasyente kundi pati na rin sa kanilang kapwa OFW.


Ang parangal na ibinigay ng PNA-ERSA para sa mga naturang Pinoy nars ay dahil sa kanilang hindi matatawarang propesyonalismo, pambihirang dedikasyon at serbisyo sa komunidad.


Labis naman ang pasasalamat ng ilan sa mga nars na nagtatrabaho sa Magrabi Eye Center, Almana Hospital Jubail at Arrawdah General Hospital nang matanggap nila ang kanilang mga award.


Binigyang pugay naman nila ang kapwa nars na si Angeline Aguirre na namatay sa Kfar, Gaza.


Hindi iniwan ni Aguirre ang inaalagang matanda sa panahong umatake na ang grupong Hamas sa Israel. Anila, kahanga-hanga ang ginawa ni Nurse Angeline na itinaya ang kanyang buhay para bantayan ang kanyang pasyente.


Bukod sa ating mga Pinoy nars, maipagmamalaki rin natin ang ating mga caregiver na handang magbuwis ng buhay para sa kanilang inaalagaan gaya ng nangyari kay Grace Prodigo Cabrera na isang caregiver at ikaapat na OFW na namatay sa pag-atake ng grupong Hamas sa Israel.


Hindi maikakaila ang matinding dedikasyon at pagseserbisyo ng ating mga Pinoy nars sa kanilang mga pasyente.


Patunay lamang kasi na itinuturing nila bilang isang bokasyon at hindi lang isang propesyon ang pagiging nars.


Kahit na hirap at malayo sa pamilya, tinitiis at kinakaya pa rin nilang alagaan ang mga matatanda at may mga sakit. At sa bawat paghawak nila sa mga pasyente ay pinupuno nila ito ng pagmamahal at pag-aaruga.


Iba kasi talaga ang lahing Pinoy, may pagmamalasakit at pagmamahal sa kanilang kapwa, lalo pa siyempre ang ating mga Pinoy nars.


Kaya sa ating mga nars, mabuhay kayo at sana ay dumami pa na handang mag-alaga sa amin.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page