top of page

Pagkawala ng rebulto ni Rizal sa Paris, ‘di dapat balewalain

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | November 5, 2025



Boses by Ryan Sison


Ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ang siyang sumasalamin sa atin bilang mga dugong kayumanggi, at siyang maituturing na pundasyon bilang mamamayan ng Pilipinas na may dangal at pagmamahal sa bayan. 


Gayunman, ang report hinggil sa pagkawala ng kanyang bust sa Place Jose Rizal sa 9th arrondissement ng Paris ay hindi lang simpleng insidente ng pagnanakaw. Isang halimbawa ito ng kung gaano kadaling mawala ang mga simbolo ng ating pagkakakilanlan at kasaysayan kapag hindi natin pinahahalagahan. 


Kamakailan, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nawala ang bust ni Rizal sa Paris, na posibleng tinanggal sa pagitan ng Oktubre 25 at 26, 2025. 


Ang monumentong ito, gawa ng sculptor na si Gerard Lartigue, ay itinayo noong Hunyo 23, 2022 bilang tanda ng pagkakaibigan ng Pilipinas at France, at bilang parangal sa ika-75 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa. 


Para sa Filipino community sa Paris, hindi lang ito rebulto kundi simbolo ng kanilang pinagmulan, isang tahimik na paalala ng ating kasaysayan at dangal bilang lahing kayumanggi. Ngunit ngayon, sa pagkawala ng bust, tila may butas din sa puso ng komunidad. 


Ayon sa DFA, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa France. Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada sa lokal na pulisya maging sa mga kababayang Pinoy doon para sa posibleng pagbawi o pagpapalit ng naturang bust. 

Ngunit sa kabila ng lahat, nananatiling buhay ang alaala ni Rizal para sa mga Pinoy na nagmamahal sa bayan. 


Si Jose Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda o kilala bilang Dr. Jose Rizal ay unang dumating sa France noong 1883 upang mag-aral at magpraktis sa ilalim ng pagsasanay ni Dr. Louis de Wecker, isang kilalang ophthalmologist. Dito rin niya isinulat ang bahagi ng “El Filibusterismo” noong 1891 sa Biarritz. 


Kaya naman ang bust ni Rizal sa Paris ay hindi lang monumento, ito ay koneksyon sa kanyang talino at rebolusyonaryong pag-iisip na minsang naglakbay sa parehong mga lansangan, na kung saan hindi natin maaaring balewalain.


Sa kabila ng pangyayari, may aral tayong dapat tandaan; ang mga monumento ay maaaring masira subalit ang inspirasyon ni Rizal ay hindi kailanman maglalaho. 

Sa naniniwala sa pagbabago, patuloy na sumasalamin si Rizal sa puso, isip at diwa ng bawat Pilipino.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page