top of page

Pagkalat ng mga survey at pangangampanya, nagsisimula na!

  • BULGAR
  • Oct 12, 2021
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 12, 2021


Congratulations kay Maria Ressa, ang kauna-unahang Pilipinong nabigyan ng Nobel Peace Prize — kasama niya si Russian journalist Dmitry Muratov. Prestihiyoso ang gantimpalang ito sapagkat hindi basta-basta ang mga taong nakakatanggap nito.


Pinag-aaralang mabuti ng Nobel Peace Prize Committee sa Oslo, Norway kung sino ang karapat-dapat makatanggap nito. Ayon sa kagustuhan ni Alfred Nobel, ang nagpasimuno ng parangal, dapat ibigay ito sa taong may “pinakamalaking pakinabang sa kapwa.”


Kaugnay nito, bukod sa medalyang matatanggap ni Ressa, may pera rin itong gantimpala. “Free, independent and fact-based journalism serves to protect against abuse of power, lies and war propaganda,” ayon kay Berit Reiss-Andersen, chair ng Norwegian Nobel Committee, nang inanunsiyo ang makatatanggap ng gantimpala.


Natutuwa tayo nang husto sa parangal na natanggap ni Maria Ressa. Alam nating kritiko siya ng kasalukuyang administrasyon. May mga kilos nga na ipinakulong pa ang beteranong mamamahayag sapagkat hindi maganda ang relasyon ng Rappler sa kasalukuyang gobyerno.


Kapansin-pansing walang pahayag ang Palasyo sa pagkapanalo ni Ressa kahit napakalaking tagumpay para sa Pilipino. Hindi tayo magtataka kung nanggagalaiti si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkapanalo ni Ressa. Gayundin, kung maglabas ng pahayag ang administrasyon na minamaliit ang kanyang pagkapanalo.


Samantala, ang lumabas na pahayag mula kay Pangulong Duterte ay hindi na tatakbo si Sara bilang pangulo. Maniniwala lamang tayo kapag lumipas na ang Nov. 15 at hindi ito nagpasa ng substitution sa kanilang partido. Tandaan, ganito ang ginawa ng kampo ni Pangulong Duterte noong 2016 nang pinalitan niya si Martin Diño bilang kandidato ng PDP-Laban. May higit isang buwan pa para mangyari ang pagpalit ng kandidato. Parang ganito na ang pinahiwatig ni Sen. Dela Rosa nang mag-file para maging kandidato sa pagka-pangulo ng PDP-Laban. Taas-kilay at tingin sa langit ang marami sa kilos ng PDP-Laban.


Natapos ang pag-file ng pagiging kandidato sa maraming posisyon noong Biyernes. Pero ganun nga, hanggang Nov. 15 pa ang pagpalit ng kandidato. Sasalain na rin ng Comelec kung sino ang may kakayanang tumakbo para sa mga nasyunal na posisyon tulad ng pangulo, pangalawang pangulo at senador. Marami rin kasing wala namang kakayanang mangampanya sa buong bansa kaya tatanggalin ng Comelec ang mga ito. Ngayong alam na natin kung sinu-sino ang tatakbo para sa iba’t ibang posisyon, magsisimula na rin ang mga surveys. Halos nagsimula na nga ang panganagmpanya ng ibang kanidato.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page