Search
  • BULGAR

Pagkakataong magnegosyo sa gitna ng pandemya, ‘wag sayangin, plis lang!

ni Ryan Sison - @Boses | March 7, 2021


Sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic, talagang ayaw paawat ng ilan nating kababayan. Tipong kahit paulit-ulit ang mga paalala at babala, dedma ang mga ito at kani-kanya pa ring gala at ganap kahit may mga umiiral na health protocols.


Kaugnay nito, dalawang high-end bars sa Makati City ang sinalakay ng mga awtoridad kamakailan kung saan nasita ang nasa 60 hanggang 70 katao dahil sa paglabag sa health protocols.


Ayon sa pulisya, magkakatabi ang mga kostumer, na maituturing na paglabag sa social distancing, kaya tinikitan ang mga ito, habang hindi pa matiyak kung ipasasara ang dalawang bar.


Kung tutuusin, hindi ito ang unang beses na may nasampolan na negosyo dahil sa paglabag sa mga umiiral na health protocols, pero nakadidismaya dahil parang wala tayong kadala-dala.

Nauunawaan nating gusto ninyong kumita, pero plis lang, ‘wag ninyong ilagay sa panganib ang kalusugan ng inyong mga kostumer. ‘Ika nga, ‘wag pera-pera.


Tandaan na pinayagan kayong magpatakbo ng negosyo kahit may pandemya, pero kapalit nito ang pagsunod sa health protocols sa lahat ng oras. Kaya kung hindi n’yo kayang sumunod, pasensiyahan na lang.


Gayunman, hindi lang mga negosyo ang may dapat gawin dahil tayong mamamayan ay dapat ding kumilos. Tutal, matagal naman nang umiiral ang health protocols, magkusa na tayong sumunod.


Matatandaang kamakailan, sunud-sunod ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, kung saan ayon sa mga eksperto, naging mabilis ang pagtaas ng mga kaso sa loob ng makling panahon.


Sana lang, magsilbi itong paalala na hindi pa tapos ang ating laban kontra pandemya.


At hangga’t may pagkakataon kayong makapagnegosyo sa kabila ng ating sitwasyon, hangad nating hindi ito maging sanhi ng panibagong problema.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.