top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Pagkakaroon ng baril ng mga dayuhan, ‘wag balewalain

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 15, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 15, 2024



Boses by Ryan Sison

Napakadali na lamang ba sa ating bansa na magkaroon o makakuha ng anumang klase ng baril? Naaresto kasi ang mag-live-in partner na Vietnamese at dalawang Chinese national matapos makuhanan ng matataas na kalibre ng baril ng mga otoridad.


Batay sa report, isinagawa ang operasyon ng Investigation and Detection Management Section (IDMS), kasama ang Special Weapons and Tactics (SWAT) team at mga tauhan mula sa Ayala Sub-station ng Makati City Police Station.


Sa bisa ng search warrant, sinalakay at hinalughog ng mga operatiba ang isang condominium unit sa Makati City, kung saan nakatira ang apat na dayuhan. 

Nakuha sa mga foreigner ang isang rifle, isang submarine gun, isang pistol, at mga bala na walang mga dokumento.


Sinabi naman ng pulisya na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang kagawaran para mabatid kung mayroong kaso sa ibang bansa ang apat na dayuhan. Gayundin, isinasailalim na nila sa ballistic examination ang mga baril upang malaman kung ang mga ito ay nagamit na sa krimen.


Dahil dito, mahaharap ang mga foreign national sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.


Medyo nakakaalarma na may mga ulat na ang mga dayuhan na nasa ating bansa ay nagkakaroon ng ganyang katataas na uri ng baril.


Tila madali para sa kanila na magkaroon ng mga armas na maaaring gamitin nila sa kung saan at kanino lamang. 


Kailangan sigurong maging mas maagap ang kinauukulan sa kanilang pagkilos at mas matindi ang gawin nilang surveillance hinggil dito para maiwasan ang posibleng mangyaring krimen.


Gayundin, sana ay mas higpitan nila ang pag-iisyu ng lisensya ng mga baril sa sinuman lalo na kung hindi naman talaga nito kailangan. 


Maaari rin sigurong parusahan ang indibidwal na mahuhuling nagmamay-ari ng baril ng walang kaukulang dokumento. 


At sakaling may ganito uling pangyayari, tiyakin sanang maikulong ang mga salarin. 

Tandaan natin na mas mabuting maging maingat kaysa magsisi tayo sa huli.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page