top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Paghandaan ang outbreak ng bird flu sa bansa

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 28, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 28, 2022



Nagpahayag ang Department of Agriculture (DA) na noong nakaraang linggo lamang ay nakumpirmang may outbreak ng avian influenza (bird flu) sa ilang farm ng itik at pugo malapit lang sa National Capital Region (NCR) makaraan itong mapigilan mahigit isang taon na ang nakararaan.


Ang pinakahuling kaso na natukoy ay kinapapalooban ng H5N1strain at hindi ang H5N6 strain na dating natukoy noong nakaraang outbreak sa nagdaang taon, maliban sa pareho itong kinaklasipika na highly pathogenic.


Matatandaang noong Enero 2021 ay inanunsiyo ng DA na ang buong Southeast Asian Country ay wala na kahit isang kaso ng H5N6 virus gamit ang deklarasyon ng World Health Organization for Animal Health.


Ngunit ngayon ay heto na naman tayo dahil unang natukoy ang kaso ng H5N1 infection noong nakaraang buwan sa ilang poultry businesses sa Bulacan at Pampanga na kumpirmadong tumataas pa ang kaso.


Sa kabilang banda, ang natukoy na strain ay hindi pa naman kumakalat sa mga alagang manok at pabo, ayon mismo sa pahayag ng pamunuan ng Bureau of Animal Industry (BAI) at maging ang iba pang ibon ay wala pang ulat nang pagkakahawa.


Mabuti ang isinagawang hakbang ng provincial government ng Pampanga na agad nagpatupad ng mas pinaigting na pag-iingat para pigilan ang pagkalat ng bird flu upang mabigyan ng proteksiyon ang kanilang multi-billion industry at food security.


Nabatid na ang pamunuan ng Pampanga ay ipinatawag ang lahat ng stakeholders hanggang sa kaliit-liitang may kinalaman sa mga poultry farm, partikular sa bahagi ng Candaba at Mexico na kumpirmadong positibo na sa virus ang ilang farm mula pa noong Enero.


Bagama’t may anunsiyo ang DA na kontrolado nila sa ngayon ang bird flu sa itik at pugo sa nabanggit na lugar ay inatasan pa rin ng pamunuan ng Pampanga na kailangang magtalaga ng control points ang BAI at Philippine National Police (PNP), isang kilometro mula sa mga apektadong farm.


Malaki man o backyard farm lamang na sakop ng mga itinalagang control points ay kailangan munang magpakita ng BAI-negative tests bago nila mailabas o maibenta ang kanilang mga alagang hayop upang maiwasan ang pagkalat pa ng bird flu.


Nagbuo sila ng provincial task force na binubuo ng Provincial Veterinary Office at BAI na nagsasagawa ng 24/7 na operasyon kabilang na ang biosecurity, disinfection, isolation, quarantine, surveillance, na kailangang may kaukulang report araw-araw.


Ayon pa sa DA, ang bird flu ay unang natukoy nito lamang Enero 6 mula sa duck farm sa Barangay Barangka, Baliuag, Bulacan bago pa ito tumawid sa kalapit na lalawigan ng Pampanga noong Enero 21, kung saan dalawang commercial quail farm sa Barangay Dalayap at isa pa sa Barangay Mangga na parehong sa Candaba ang naapektuhan na umabot agad sa 37,723 ang namatay na pugo.


Nitong Pebrero 11 ay muling natukoy ng DA ang dalawa pang quail farm sa Barangay San Antonio sa Mexico, Pampanga na apektado na ng bird flu at umabot na sa 4, 522 ang napaulat na namatay na pugo.


Base sa pahayag ng BAI, ang pagkakatuklas ng H5N1 sa mga itik at pugo sa mga farm sa Bulacan at Pampanga ay kauna-unahang kaso simula noong 1997 na panahong kumalat talaga ang bird flu sa maraming bahagi ng mundo.


Tiniyak ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health na sa kasalukuyan ay wala pa ring naiuulat na pagkakahawa ng bird flu sa tao mula sa hayop o hayop patungo sa tao.


Dapat nating maintindihan na ang bird flu ay tinatawag na avian influenza, viral infection na hindi lang ang mga ibon ang naaapektuhan dahil maging ang mga tao at iba pang hayop ay maaari rin mahawa, ngunit karaniwan sa natutukoy na virus ay mahigpit na tinutukoy sa ibon.


Ayon sa World Health Organization (WHO) ang H5N1, unang nadiskubre sa tao noong 1997 at halos umabot sa 60 porsiyento ang mga nasawi sa mga taong nahawa nito sa buong mundo.


Sa ngayon ay wala pa ring patunay na ang bird flu ay maaaring kumalat o makahawa sa pamamagitan ng close contact ng tao sa tao pero may pag-aalala ang ilang eksperto na posibleng maging pandemic threat ito sa tao.


Narito ang mga sintomas na may H5N1 infection ang tao, cough, diarrhea, respiratory difficulties, fever (over 100.4°F or 38°C), headache, muscle aches, malaise, runny nose at sore throat na halos may kahalintulad din sa ilang sintomas ng COVID-19.


Kaya kung halimbawang nakararanas ng mga ganitong sintomas at alam naman nating exposed tayo sa bird flu ay mas makabubuting tawagan muna natin ang staff ng doktor bago tayo magpunta para maimpormahan sila ng mas maaga at makapaghanda para hindi sila mahawa.


Kunsabagay, tiniyak ng DA na ang tsansa na mahawa ang publiko sa H5N1 virus ay masyadong mababa, kaya hindi dapat mag-alala ng labis, pero dapat maging alerto dahil maliit man o malaki ang tsansa ay tsansa pa rin itong matatawag.


Kaya dapat doble-ingat, baka kasi sa hinaba-haba nang pag-iingat natin na hindi tayo mahawa sa COVID-19 ay matsambahan naman tayo ng bird flu.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page