Paghalik sa alagang hayop, peligroso, dapat iwasan

ni Ryan Sison @Boses | June 8, 2024

Dapat na iwasan ang paghalik o pagpapahalik sa mga alagang hayop dahil sa panganib na puwedeng makuha sa mga ito kahit pa sila ay mga bakunado.
Ayon kay Department of Health (DOH) Assistant Secretary, spokesperson Albert Domingo, hindi makabubuti na ang laway ng mga alaga nating hayop gaya ng aso at pusa na mai-transfer o makalipat sa tao, mga kalmot at kagat nila dahil nagdadala ito ng nakamamatay na rabies.
Maliban pa sa rabies, peligroso rin ang dalang mikrobyo ng kanilang mga laway.
Paliwanag ni Domingo, delikado ang nagpapahalik sa mga alagang hayop, hindi lang dahil sa rabies kundi pati na rin sa ibang mikrobyo. Aniya, ang laway ng aso o pusa ang dinaraanan ng rabies na kahit na bakunado na ang mga ito ay may posilibidad na mayroong rabies, mapakagat, kalmot o madilaan ng aso o kaya pusa ay puwedeng mauwi sa rabies.
Ang rabies ay may 100 porsyentong fatality rate, kaya sadyang mapanganib at hindi dapat na ito ay ipagwalang bahala.
Sinabi rin ni Domingo na mahalagang makita agad ng doktor o nurse mula sa pinakamalapit na ospital o sa animal bite center ang lagay ng pasyente para mabatid nila kung kailangang mabigyan ng post-exposure prophylaxis o bakuna dahil ang sintomas ng rabies ay maaaring umabot ng hanggang isang taon bago pa makita.
Binigyang-diin pa ng opisyal na maaaring gumaling ang sugat, subalit ang virus ay dahan-dahan, depende kung gaano kalayo sa ulo ang naging kagat. At kapag nakarating na sa utak, huli na ang lahat dahil hahantong na ito sa kamatayan.
Batay sa datos ng DOH, nakapagtala ng may 169 rabies cases sa bansa hanggang nitong May. Sa naturang bilang, 160 sa kanila ang namatay habang inaalam ang estado ng 9 na iba pa. Mas mataas ito ng 13 porsyento kumpara sa 150 kaso lang na naitala sa parehong panahon noong 2023.
Gayundin, pinakamarami sa mga kaso ay naitala sa SOCCSKSARGEN, sinundan ng Calabarzon at Bicol Region.
Samantala, mula sa dating 1,000 pasyente kada araw, pinipilahan na ngayon ang San Lazaro Hospital sa Maynila ng humigit-kumulang 3,000 katao na nangangailangan ng rabies shots araw-araw dahil sa mababang supply ng bakuna sa ilang local government units (LGUs).
Ayon kay Dr. Jerick Luigi de Villa, Animal Bite and Rabies Coordinator ng San Lazaro Hospital, may mga trained na doktor at nurse sa mga bite center sa mga LGU na dapat makakapag-cater sa mga animal bite patients. Pero aniya, kahit may trained na mga doktor at nurse kung walang bakuna na maibibigay, mapipilitan talaga sila magpunta sa kanilang ospital para magpaturok ng anti-rabies.
Hindi masama ang mag-alaga ng mga aso o pusa. Likas kasi sa ating mga Pinoy ang mapag-aruga sa mga hayop na kung minsan ay itinuturing na natin silang kapamilya.
Dapat sigurong magkaroon din tayo ng limitasyon sa pagmamahal na ibinibigay natin sa ating mga alaga. Huwag sana tayong umabot sa puntong halik-halikan natin sila o tayo ang magpahalik na kadalasan ay sa bibig pa nagki-kiss o kaya naman nagpapadila sa kanila.
Hindi kasi ito nakabubuti sa atin dahil baka tayo naman ay tamaan ng nakamamatay na rabies.
Mas tamang sundin na lang natin ang mga payo ng kinauukulan para makaiwas tayo sa anumang disgrasya.
Lagi rin nating iisipin ang magiging epekto ng ating gagawin kung makabubuti o makakasama para sa atin nang sa ganoon ay hindi tayo magsisi sa huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments