Paghahanda, non-stop dapat sa paparating na kalamidad
- BULGAR

- Jun 3, 2024
- 2 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 3, 2024

Kamakailan lamang ay kinalampag natin ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na maging handa sa mga darating na buwan dahil sa papalapit na tag-ulan.
Hindi pa nga naglilipat-linggo ay naglabas na ng anunsyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at sinasabing 13 hanggang 16 na bagyo ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa huling quarter ng 2024.
At hindi nga nagkamali ang PAGASA dahil nanalasa ang Bagyong Aghon at mahigit sa P365 milyon ang iniwang pinsala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakabagong situational report, hindi bababa sa 47 imprastraktura ang nasira sa Calabarzon, partikular sa Batangas at Quezon Province. Kabilang sa mga napinsalang imprastraktura ay mga kalsada at tulay.
Sinabi ng NDRRMC na mayroong 22 bahay sa Eastern Visayas na nawasak ng bagyo. Nananatili naman ang halaga ng agricultural damage sa P21,651,548.
Gayundin, sinabi ng NDRRMC na may naapektuhang 51,858 indibidwal o 16,404 pamilya, hindi pa kabilang ang anim na nasawi habang walo ang sugatan. Lumabas si Aghon ng PAR noong Miyerkules.
Ibig sabihin ay huwag talaga nating ipagwalang bahala ang anunsyo ng PAGASA dahil hindi umano nila inaalis ang posibilidad na ilan sa darating na bagyo ay magiging mapaminsala rin.
Batay na rin sa datos ng PAGASA, asahan ang high volume ng pag-uulan sa silangan at timog na bahagi ng bansa, partikular sa Mindanao sa darating na Oktubre dahil sa La Niña.
Gusto ko ring ipabatid sa lahat na hindi bababa sa 14 katao ang nasawi at 74 katao naman ang sugatan matapos silang mabagsakan ng isang billboard sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo noong isang linggo sa Mumbai, India.
Baka may ilang kuda nang kuda kung bakit pati sa India ay pinakikialaman natin -- hindi tayo nanghihimasok, kundi ipinakikita lang natin na kayang pabagsakin ng bagyo ang mga billboard. At napakalaking perhuwisyo dahil napakaraming ari-arian ang nawasak sa pagbagsak ng naturang billboard.
Marahil, sa susunod ay mas madali nang sumunod ang ating mga kababayan na tagapamahala ng billboard sakaling mag-anunsyo na dapat nang ibaba ang mga ito dahil may paparating na bagyo.
Hanggang sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa rin sila ng rescue operation sanhi ng grabeng pinsala ng pagbagsak ng billboard na pinadapa lamang ng ihip ng hangin dulot ng bagyo.
Kung nangyari ito sa Mumbai, India ay huwag naman sanang ganito sa atin. Kaya kailangan ang ibayong pag-iingat — na sa mas maagang pagkakataon ay palagi tayong nagpapaalala para hindi tayo mapahamak.
Naglalakihan din kasi ang mga billboard sa ating bansa, hindi lang sa Metro Manila maging sa maraming lalawigan ay naglipana na ang mga ito na puwedeng tangayin ng malakas na hangin at makaperhuwisyo sa mga kababayan.
Hindi ko sinasabing mabuti at nangyari sa India ang sakunang ito, ngunit napakagandang halimbawa kung tutuusin.
Ang punto ko lang naman ay huwag nating hintayin na sa atin mangyari ang trahedyang ito bago pa tayo kumilos, tulad ng palagi ring nangyayari sa maraming pagkakataon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments