top of page

Paggunita sa ika-40 anibersaryo ng kamatayan ni Ninoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 22, 2023
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo |August 22, 2023


Apatnapung taon na pala nang pinaslang ang itinuturing na martir na si Ninoy Aquino.


Naaalala ko pa ang mga pangyayari noong araw na iyon. Abalang-abala ako sa paghahanda para sa pag-alis ko patungo sa bagong “assignment” mula kay Jaime Cardinal Sin.


“Gusto kong mag-aral ka sa Roma para magturo sa ating seminaryo ng San Carlos sa Guadalupe, Makati.” Ito ang utos at pakiusap sa akin ng mahal na Cardinal noong mga panahong iyon.


Hindi naging madali para sa akin na tanggapin ang utos ng Cardinal dahil sa lubhang mabigat ang kalagayan ng ating bansa noon. Ayaw kong umalis dahil nais kong tumulong para maghanap ng paraan na matapos na ang pang-aabuso at pagmamalabis ng mga namumuno sa pamahalaan sa ilalim ng tinaguriang “Pangulong Diktador” at mga alipores nito.


Subalit, hindi ako maaaring sumuway sa utos ng Cardinal. Bagong pari pa lamang ako noon at malinaw na malinaw ang pang-unawa ko sa tungkulin at pananagutan ng bagong pari na magtiwala at sumunod sa kanyang Obispo na kailangan niyang ituring bilang ama.


Mabigat din ito sa aking kalooban dahil damang-dama ko ang pinagdaraanan ng taumbayan. Labing-isang taon mula nang ideklara ang Batas Militar (Martial Law) noong ika-21 ng Setyembre 1972. Napakarami nang nangyari, mga nawala, tinortyur, sinalvage, pinatay at itinapon na lang sa mga palayan, ilog, kabundukan o kung saan-saan.


Hinawakan at hinigpitan ang media, binawal ang mga pagtitipon habang mabilis na kinakasuhan ang anumang pagtitipun-tipon na tinatawag na “illegal assembly.”


Sobrang luho ng mga nakaupo habang sobrang hirap ng mga isang kahig isang tukang mga manggagawa, mangingisda at magsasaka.


Maraming nagpaalila bilang mga DH o “domestic helper” sa ibang bansa. Ito at iba pang nagpapabigat sa pakiramdam ng mga mamamayan sa mga buwan sa bandang dulo ng taong 1983.


At kasabay ng lahat ng ito, sa halip na makiisa sa pakikibaka ng aking mga mahal na Kababayan, ako ay naghahandang umalis para mag-aral sa ibang bansa. Nang biglang nabalita ang pagdating ni Ninoy Aquino.


Alam ng karamihan na darating ang kilalang senador na kalaban ng nakaupong pangulo.


Batid din ng marami na merong seryosong banta sa buhay ng senador sakaling bumalik ito sa bansa at hindi siya ligtas kaya mas mabuting huwag na siyang umuwi pa.


Subalit, buung-buo na ang kanyang kalooban. Napagpasyahan na niyang itaya ang lahat sampu ng kanyang buhay para sa kalayaan ng mahal niyang bansa.


Sa mga salita ni Ninoy noon, malinaw ang kanyang kahandaan para sa anumang panganib. Ito ang kanyang isinulat bago siya bumaba ng eroplano para salubungin lang pala ang kamatayan.


“I am prepared for the worst, and have decided against the advice of my mother, my spiritual adviser, many of my tested friends and a few of my most valued political mentors.”


Sa mga binitiwang salita ni Ninoy, marapat nating pagnilayan at buong kababaang-loob na ibahagi ang kanyang naging buhay na puno ng kadakilaan, kabayanihan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.


Una rito, malinaw ang pagmamahal ni Ninoy sa kanyang bansa. Maaga itong nagsilbi bilang manunulat, journalist, reporter dito at sa ibang bansa.


Pangalawa, mahal niya ang katotohanan. Ito ang pinakalaman ng anumang pag-uulat at kanyang pamamahayag.


Pangatlo, alam niya ang kahalagahan ng matino, marangal at ma-prinsipyong pulitika.


Bago siya naipatapon sa Estados Unidos, nakulong muna si Ninoy dahil sa kanyang matapang na pagtuligsa sa anumang katiwalian ng pamahalaan, partikular noong panahon ng “Pangulong Diktador”.



Pang-apat, madasalin at higit pang naging madasalin si Ninoy sa kulungan. Malalim at matatag ang kanyang pananampalataya sa Diyos, kay Kristo at sa Inang Maria. Kitang-kita ito sa kanyang araw-araw na debosyon sa Santissimo Rosaryo.


Panlima, ang katapangang itaya ang lahat para sa kanyang paninindigan at pananampalataya. Sa mga huling sandali bago siya binaril, mahinahon at seryoso si Ninoy kahit alam niya ang panganib habang inihanda na niya ang sarili para harapin ang sukdulang banta ng kamatayan.


Pang-anim, tiyak akong sinadya ni Ninoy na ibigay ang sariling buhay para magising ang maraming natutulog na Kababayan. Sa pangyayaring iyon, humantong ang lahat sa mapayapang People Power Revolution.


Salamat Ninoy. Maraming, maraming salamat. Ngayong nagawa mo na ang nais mong gawin, samahan mo kaming gawin ang dapat naman naming gawin.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page