top of page

Paggunita sa butihin at matapang na si Jaime Cardinal Sin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 1, 2025



Fr. Robert Reyes



Kaarawan ni Jaime Cardinal Sin ngayong linggo. Kung nabubuhay siya ipagdiriwang niya ang kanyang ika-97 na kaarawan. Ngunit wala na ang masayahin at matapang na cardinal, na naging buhay at walang kapagurang tinig ng katotohanan at katarungan sa ating bansa.


Noong Hunyo 21, 2005, nasa 20 taon na ang dumaan nang pumanaw si Jaime Cardinal Sin. Sa mga panahong ito, damang-dama ang kawalan ng isang tulad niya sa gitna ng kadiliman at kaguluhan na pinagdaraanan ng bansa.

Bakit ba kailangan ang isang Cardinal Sin ngayon? 


Ipinagdiwang natin noong nakaraang Biyernes ang pista ng pagka-martir ni San Juan Bautista. Kilala si Juan Bautista sa kanyang pagbautismo sa Panginoong Hesu-Kristo. Kilala rin siya bilang pinakahuling propeta ng Lumang Tipan. 


Bilang propeta, isa siyang maingay na tinig sa ilan, at ang kanyang pangunahing isinisigaw ay magsisi at magbalik-loob sa Diyos dahil malapit nang dumating ang kaharian ng Diyos.


May ilang, isang malawak na disyerto noong panahon ni Juan. Parang pisikal na disyerto ang Palestinya at Herusalem. Tuyo at kakaunti ang mga puno sa mga nasabing lugar, at ito ang pisikal na ilang. 


Ngunit merong ibang uri ng ilang, ang espirituwal at moral na ilang. Sa gitna ng pang-aabuso ng mga Romano na sumasakop noon sa mga Hudyo, tahimik, walang nagtatanong o nagrereklamo sa mga nangyayari sa kapaligiran. Malinaw kung bakit. Takot! Subalit, nangingibabaw ang tinig ni Juan Bautista: “Magsisi at talikdan ninyo ang inyong mga kasalanan dahil malapit na ang kaharian ng Diyos!” 


Hindi lang ito ang kanyang binanggit. Sinabihan din niya si Haring Herodes na mali ang ginagawang nitong pakikiapid sa asawa ni Filipo na kanyang kapatid. Dahil dito, ipinakulong si Juan ni Herodes na nagpatuloy sa kanyang pakikitungo sa asawa ng kanyang kapatid na ipinahamak niya at namatay sa giyerang pinagdalhan niya rito. 


Sa kulungan, dinadalaw-dalaw ni Herodes ang propetang nagsasabi ng totoo. Ayaw mang marinig ng karamihan ang katotohanan ngunit tuluy-tuloy pa rin sa pagsasabi o pagsigaw ang propeta maski na ikapahamak nito ang kanyang ginagawa. 


Hindi si Herodes ang pumatay kay Juan Bautista. Batay sa ulat, nang sumayaw ang anak ni Herodias, ang babaeng tinututulan ni Juan Bautista, natuwa rito si Herodes at nangakong ibibigay nito maski na kalahati ng kanyang kaharian. Tumakbo ang ang babaeng sumayaw sa kanyang ina at nagtanong, “Ano po ang aking hihilingin sa hari?” Sagot ni Herodias, “Ang ulo ni Juan Bautista!” Kaya hiningi nga ng babae kay Herodes ang ulo ni Juan Bautista. 


Malungkot na ipinagawa ito ng hari dahil sa kanyang pangako. At ibinigay sa anak ni Herodias ang ulo ni Juan Bautista.


Halos ganito rin si Jaime Cardinal Sin hanggang kamatayan. Isa itong tinig na sumisigaw sa ilang. Nang tahimik ang karamihan ng mga obispo at pari, maririnig lagi ang tinig ni Jaime Cardinal Sin. Sumisigaw ito ng ganito: “Itigil na ninyo ang panloloko, pananamantala, pagnanakaw at pagpatay!” Anuman ang nangyayari, asahan na may maririnig mula kay Cardinal Sin, kung kaya dalawang EDSA ang naganap dahil sa kanya.


Maraming bumabatikos ngunit tuloy pa rin ang kanyang pamamahayag ng katotohanang kailangang marinig ng lahat.


Kung buhay lang si Cardinal Sin, baka hindi ganu’n karami ang namatay noong panahon ni Duterte. Kung buhay lang siya baka hindi ganu’n kalaki ang nakurakot ng maraming pulitiko sa mga naturang flood control projects. Kung buhay lang si Cardinal Sin baka… 


Ngunit, patay na ang butihin at matapang na cardinal. Matagal nang tahimik ang kapaligiran, parang ilang na paminsan-minsan merong ilang tinig na maririnig.

Nang dumating ang kapalit ni Jaime Cardinal Sin, ang unang narinig mula rito ay,

“Huwag ninyo ako ihambing sa nauna sa akin!” Wala ngang nagsalita at naghambing sa kapalit ni Cardinal Sin ngunit kapansin-pansin ang pagkakaiba. 


Walang katulad si Juan Bautista subalit tapat siya hanggang sa huli. Walang katulad si Jaime Cardinal Sin, ngunit hindi mali, hindi masama kundi hinihingi ng ating pananampalataya ang kanyang ginawa, ang magsabi at gumawa ng totoo at tama ayon sa kalooban ng Diyos at para sa kapakanan ng lahat. 


Wala man si Cardinal Sin, buhay na buhay pa rin ang tinig niya sa marami. Tinig kaya ni Cardinal Sin ang buhay sa marami? Higit na dapat marinig ang tinig ni Kristo, tinig ng totoo, mabuti at tama. Buhay at mananatiling laging buhay ang tinig ng Diyos. Amen.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page