Paggawa ng testamento habang nasa ibang bansa
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 10, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang aking ama ay kasalukuyang nasa Estados Unidos, ngunit siya ay mahina na at nais niyang gumawa ng sulat-kamay na testamento tungkol sa kanyang mga maiiwang ari-arian. Maaari ba niya itong gawin kahit siya ay nasa ibang bansa? – Dianne
Dear Dianne,
Para sa inyong kaalaman, ayon sa Section 810 ng ating New Civil Code of the Philippines, maaaring mag-iwan ng isang holographic will ang isang tao at hindi ito kinakailangan na manotaryohan. Ayon sa nasabing batas:
“Art. 810. A person may execute a holographic will which must be entirely written, dated, and signed by the hand of the testator himself. It is subject to no other form, and may be made in or out of the Philippines, and need not be witnessed.”
(Binigyang-diin)
Samakatwid, kahit nasa ibang bansa ang inyong ama, maaari siyang gumawa ng sulat-kamay na testamento sang-ayon sa batas na nabanggit sa itaas kahit siya ay kasalukuyang nasa ibang bansa.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments