ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 22, 2024
Dear Chief Acosta,
Katatanggap ko pa lamang ng aking lisensya sa pagmamaneho subalit hindi ko pa kabisado ang mga kalsada sa bayan namin. Dahil dito, madalas akong gumagamit ng mga mobile apps katulad ng Waze at Google Maps sa aking cellphone upang hindi ako malito at mawala sa daan. Natatakot ako sapagkat alam ko na may mga batas ukol sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho kaya’t nais kong malaman kung legal ba ang paggamit ng mga apps na ito. Salamat. -- Oliver
Dear Oliver,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa iyong katanungan ay ang mga probisyon ng Seksyon 4 at 5 ng Republic Act (R.A.) No. 10913 o mas kilala bilang Anti-Distracted Driving Act, kung saan nakasaad na:
“Section 4. Distracted Driving. - Subject to the qualifications in Sections 5 and 6 of this Act, distracted driving refers to the performance by a motorist of any of the following acts in a motor vehicle in motion or temporarily stopped at a red light, whether diplomatic, public or private, which are hereby declared unlawful:
(a) Using a mobile communications device to write, send, or read a text-based communication or to make or receive calls, and other similar acts; and xxx”
Ayon sa nasabing batas, ipinagbabawal lamang ang paggamit ng mobile communications device, gaya ng cellphone para magsulat, magpadala, o magbasa ng text message, o tumawag o tumanggap nito, at ang iba pang katulad na gawain, na maituturing na nakagagambala sa pagmamaneho. Gayunpaman, ito ay binibigyang-linaw ng Seksyon 5 ng nasabing batas:
“Section 5. Extent of Coverage –
(a) The operation of a mobile communications device is not considered to be distracted driving if done using the aid of a hands-free function or similar device such as, but not limited to, a speaker phone, earphones and microphones or other similar devices which allow a person to make and receive calls without having to hold the mobile communications device: Provided, That the placement of the mobile communications device or the hands-free device does not interfere with the line of sight of the driver. xxx”
Nakasaad sa nasabing batas na hindi maituturing na distracted driving kung gumamit ng hands-free function o katulad na aparato gaya ng speaker phone, earphones at mga mikropono o iba pang katulad na mga aparato na nagbibigay-daan sa isang tao na tumawag at tumanggap ng mga tawag nang hindi kinakailangang hawakan ang mobile communications device.
Ibig sabihin, kung ang apps na iyong ginagamit sa pagmamaneho ay maituturing na hands-free, o hindi kailangang gamitin ang iyong mga kamay at hangga’t ang pagkakalagay nito ay hindi nakahahadlang sa iyong paningin habang nagmamaneho, hindi ito itinuturing na distracted driving. Kaya naman, aming maipapayo na buksan at iayos na ang app na gagamitin, at ipuwesto na ng maayos ang iyong cellphone bago pa magsimulang magmaneho kung gagamit ng hands-free apps habang nagmamaneho ng sasakyan nang sa gayon ay hindi malabag ang Anti-Distracted Driving Act.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments