top of page

Paggamit ng mga teknolohiya, dapat balansehin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 24, 2025
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 24, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Sa panahon ngayon, hindi kumpleto ang araw natin kung wala tayong hawak na cellphone o gadget. Hindi maikakaila na malaking tulong ang mga ito sa ating pang-araw-araw na pamumuhay lalo na sa larangan ng komunikasyon, libangan, at maging sa pag-aaral. At sa kaso ng ating mga mag-aaral, ang dapat sanang gamit sa pagkatuto ay nagiging balakid pa sa mismong pag-aaral.


Sa katunayan, batay sa datos ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2022, lumalabas na 8 sa 10 Pilipinong estudyante na nasa edad 15 ang umaming nawawala ang kanilang atensyon sa klase dahil sa paggamit ng smartphone.


Parehong bilang ng mga mag-aaral ang nagsabing naabala rin sila ng paggamit ng smartphone ng kanilang kapwa mag-aaral sa oras ng klase. Ang ganitong pagkaabala ay may kaugnayan sa pagbaba ng kanilang academic performance ng 9.3 points sa Math, 12.2 points sa Science, at 15.04 points sa Reading.


Bukod sa negatibong epekto nito sa kanilang pag-aaral, ang malayang access sa mga gadget ay maaaring maging tulay sa mga insidente ng cyberbullying. Kaya’t naniniwala akong mahalagang higpitan ang paggamit ng mga ito sa loob ng klase. Bilang tugon sa mga hamong ito, muling inihain ng inyong lingkod ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng mga mobile devices at iba pang electronic gadgets tuwing oras ng klase. Sakop ng panukalang ito ang lahat ng mga mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa. 


Alinsunod na rin ito sa rekomendasyon ng 2023 Global Education Monitoring Report ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), na nagsasabing ang mga bansang tulad ng Belgium, Spain, at United Kingdom na nagpatupad ng parehong hakbang ay nakapagtala ng mas positibong resulta sa pagkatuto ng mga mag-aaral, lalo na ang mga nahihirapan noon na makasabay sa kanilang klase. Malinaw din na sinusuportahan ito ng ating mga kababayan. Ayon sa isang Pulse Asia survey na kinomisyon natin noong nakaraang taon, 76% ng mga Pilipino ang sumasang-ayon sa mungkahing ipagbawal ang paggamit ng mga cellphone sa mga paaralan.


Sa ilalim ng ating panukala, ipagbabawal din sa mga guro ang paggamit ng mobile devices at electronic gadgets lalo na sa oras ng kanilang pagtuturo. Gayunpaman, pinapayagan pa rin ang paggamit ng mga ito para sa mga class presentation, pangangalaga sa kalusugan ng mag-aaral, at pagtiyak sa seguridad ng mga mag-aaral sa labas ng paaralan. Sa huli, layunin ng ating panukalang batas na balansehin ang tamang paggamit ng teknolohiya at hindi ang paglayo rito. Ating tandaan ang payo ng ating mga nakatatanda, ang lahat ng sobra ay nakakasama. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page