Pagdiriwang ng ika-59 na Anibersaryo ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo
- BULGAR
- Jun 23
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 23, 2025

Pista na naman sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, Project 8, Quezon City. Ito ang aming ika-59 na anibersaryo ng pagkakatatag ng aming parokya. At para sa anibersaryo at pistang ito, napili namin ang temang, “Alab ng Pag-asa, Biyaya ng Kalikasan. Sa pinakaunang misang nobenaryo noong nakaraang Huwebes, isinulat natin ang tulang ito:
Alab ng Pag-asa, Biyaya ng Kalikasan
Kay layo mo na, Kay layo mo na
Kagubatang takbuhan, laruan, languyan, taguan…
Tabi mo’y palayan at gulayan
Buhay ng karaniwang tao’t mamamayan.
Araro’t kalabaw magsasaka’y kaulayaw
Kalauna’y rototiller at traktora mga bagong amo ng modernidad.
Katabi ng bukirin, mga munting siyudad
Kapalit ng mga institusyong umiidad.
Darating at dumating na nga mga
Bangko’t korporasyong
Pera kanilang diyos-diyosan.
Taong binulag o piniringan kaya
Ng ilusyon ng mekanismong humantong sa
Kapitalismo: ibinote, dinelata, sinalitrehan, kinahon,
Tinarhetahan, Kinomersyo’t ibinenta ang libreng likas-yaman.
Kabundukan nakalbo, napatag,
Karagatan sinuyod, sinadsad.
Mga lawa’t, bukal, batis at
Sari-saring tubigan: pinaderan,
Kinanalan, Tinubuhan, Tinarhetahang
Nawasa, MWSS, Manila Water o Water District ng barangay.
Ito na nga’t lumiliit, nanganganib na mawala,
Kagubatang bumubuhay, nagmamahal,
Biktima ng kabulagan at walang hanggang kasibaan.
Lupang sakahan at gulayan,
Kaparangan, kalatagan, kaburulan
At kabukiran, pinatag, pinabahayan,
Pinatituluha’t pinangalanan.
Sino nga ba ang may-ari ng lupa?
Sila bang makapangyariha’t ma-pera?
Meron bang puwedeng magsabing akin
Ang lupa, ang tubig, ang hangin at ang
Anumang matatagpuan sa ibabaw, ilalim,
Gilid at paligid nito!
Hangal, hindi ba nila alam na hindi tayo
Ang may-ari ng lupa!
Sa totoo lang, ang lupa ang may-ari sa atin.
Kay layo na nga natin sa kanya.
Kinalimutan na natin siya’t walang
Kamalay-malay pinili nating mangulila’t malayo sa kanya.
Unti-unting nagmumukhang bahagi ng kagubatan ang loob ng aming simbahan. Tinanong natin ang mga nagsimbang parokyano noong nakaraang Huwebes ng gabi: May pagkakaiba ba ang mga katagang, ‘simbahan sa kagubatan’ at ‘kagubatan sa simbahan?” Maraming sumagot, “Oo, may pagkakaiba ang ayos ng mga salita.” At nagpatuloy pa rin akong magtatanong, “Pareho ba ang ibig sabihin ng dalawang hanay ng kataga?”
At ipinaliwanag natin ang pagkakaiba ng dalawa. Kung sasabihin nating “simbahan sa kagubatan” walang pagkakahiwalay, merong malalim na pagkakaisa ang simbahan at kagubatan dahil nasa gitna ng kagubatan o kalikasan ang simbahan. Ngunit kapag sinabi mong “kagubatan sa simbahan,” ang kagubatan o kalikasan ang lumalapit, pumapasok sa simbahan dahil napalayo o umalis na ang simbahan sa gitna o sa piling ng kalikasan.
Ganito na nga ang nangyari, hindi lang sa iba’t ibang simbahan kundi pati na sa pamahalaan, samahan, bansa, paaralan, business, sa mga nagtatrabaho sa larangan ng sining, atbp.
Iisa noong araw ang tao’t kalikasan, pero sa pag-inog ng mundo at martsa ng kasaysayan, umunlad sa kaalaman at kakayahan ang tao. Ang agham ay namunga ng mga imbensyon na nagpabilis at nagpagaan sa gawain sa bukid at tahanan. Hindi nagtagal dumating ang makinang sumusunog ng krudo’t gasolina. Dumating din ang kuryente at sari-saring makinang pinagagana nito mula gamit sa tahanan hanggang sa mga pabrika. Lalo pang bumilis ang paggawa sa pagdating ng mga kompyuter na nagsimulang malaki at ngayo’y napakaliit. Bumilis ang lahat nang dumating ang mga telepono gaya ng Smart phones ‘ika nga. Sa lahat ng ito, namagitan sa tao’t kalikasan, tao’t kagubatan ang makina, kompyuter at cellphone.
Sa halip na paglapitin lalong lumalayo ang tao sa kalikasan at lumalapit sa kanyang mga gadget at kompyuter. Kaya’t kailangang-kailangang bumalik ang tao sa kalikasan upang tuklasin na anumang paglayo ng tao sa kalikasan, lalo niyang hahanapin kung ano ang likas, at saan niya hahanapin? Sa loob niya. Sa tubig, dugo, hangin o oxygen na dumadaloy kasama ng dugo. Sa lupa ng tunaw na mga pagkain at basura ng mga organong sinasalo ng bituka at inilalabas na sa lupa. At mula sa loob hahanapin din niya ang katumbas ng lahat sa likas, sa labas, sa kabundukan. Ito ang dapat muling matutunan ng lahat ang pagtuklas sa loob ng labas at ng labas sa loob.
Totoo nga’t ang kagubatan ay nasa simbahan at kailangang palaguin at buhayin ang ugnayang ito muli.
Kailangang magpahinga kasama ang Ina. Kailangang pahingahin ang buong pagkatao, gaya ng tulang ito.
Pahinga muna tayo sa mga gadget, sasakyang umuusok, pagkaing mabilis,
Elado’t pinatagal ng gamot. Pahinga muna natin ang ating mga mata’t
Tainga’t daliri. Wala munang Netflix, YouTube, FB, Instagram at lahat ng
Patok sa social media.
Pahinga muna tayo sa mga mailiwanag, malilinis, nagpapagandahang mall.
Pahinga muna tayo. Pahingahin natin ang isip, puso, kaluluwa’t katawan.
Dito muna tayo sa kagubatan. Dito muna tayo sa kanya,
Sa loob ng puso ng Ina. Ito ang pag-asa, ang bumalik,
magpahinga sa puso ng Ina.
Comentarios