Good news, pondo para sa CHED at TESDA, aprub na ng bicam
- BULGAR

- 16 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 18, 2025

Sa unang araw ng bicameral conference committee meeting, kung saan nireresolba ng Senado at Kamara ang mga pagkakaiba sa kanilang mga bersyon ng panukalang 2026 national budget, inaprubahan na rin ang panukalang pondo para sa Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Mula sa P33.1 bilyon na nakalaan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), umabot na sa P47.4 bilyon ang pondong inaprubahan ng bicameral conference committee para sa CHED. Mula naman sa P19.6 bilyon na inilaan ng NEP, umabot na sa P26 bilyon ang pondong inilaan natin para sa TESDA.
Saklaw ng mga karagdagang pondong ito ang mga programa, kung saan isinulong ng inyong lingkod ang paglalaan ng karagdagang pondo. Sa ilalim ng CHED, halimbawa, isinulong natin na mapunan ang kakulangan sa pondo ng free higher education na umabot na sa P12.3 bilyon mula 2022 hanggang 2025. Mahalagang hakbang ito upang matustusan din ng ating mga State Universities and Colleges (SUCs) ang mga mga karagdagang pasilidad, mga guro, at iba pang mga pangangailangan para sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.
Isinulong din natin ang paglalaan ng P6.6 bilyon para sa 490,000 na karagdagang bilang ng mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES). Ang karagdagang bilang na ito ay magmumula sa mga household na bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Kasama rin sa mga isinulong natin ang paglalaan ng P290 milyon para sa pagpapatayo ng mga bagong medical schools sa ating mga SUCs. Maliban dito, isinulong din natin ang paglalaan ng P8.6 bilyon upang palawakin ang kapasidad ng mga SUCs na tumanggap ng mas maraming mga kwalipikadong mag-aaral. Matatandaang hindi bababa sa 168,000 na mga kwalipikadong mag-aaral ang hindi nakapag-enroll dahil sa limitadong kapasidad ng ating mga SUCs.
Sa ilalim naman ng TESDA, iminungkahi natin ang ang paglalaan ng P5.1 bilyon para sa Training for Work Scholarship, kung saan 188,000 na mga benepisyaryo ang mabibigyan ng pagsasanay sa mga high-demand sectors gaya ng healthcare, artificial intelligence, semiconductors at ang mga creative industries.
Bahagi ang pondo ng CHED at TESDA, pati na rin ng Department of Education (DepEd), sa makasaysayang pondong ilalaan natin para sa sektor ng edukasyon na aabot na sa P1.37 trilyon sa susunod na taon, katumbas ng 4.5% ng ating Gross Domestic Product (GDP). Sa kauna-unahang pagkakataon, masusunod natin ang rekomendasyon ng United Nations na ilaan ang 4 hanggang 6% ng GDP ng kabuuang pondo sa sektor ng edukasyon.
Patuloy nating tutukan ang mga talakayan sa bicameral conference committee na isinasapubliko sa kauna-unahang pagkakataon sa ating kasaysayan. Maituturing itong isang mahalagang hakbang upang isulong ang transparency sa ating national budget. Sama-sama nating tiyakin na ang bawat sentimo ng buwis na babayaran natin ay tutugon sa pangangailangan ng ating mga kababayan sa susunod na taon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments