top of page
Search
BULGAR

PAGCOR, nagpasaklolo sa e-wallet companies vs. online gambling addiction

ni Ryan Sison @Boses | June 29, 2024



Boses by Ryan Sison


Para matugunan ang pagkagumon ng mga indibidwal sa mga online gambling, plano ng 

Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na makipagtulungan na sa iba’t ibang electronics wallet (e-wallet) companies.


Ayon kay Vina Ocam, assistant vice president for Gaming Licensing and Development Department ng PAGCOR, mayroon na silang inisyal na pag-uusap sa mga e-wallet company upang makipag-collaborate at maging partner para sa responsableng gambling campaign at ma-monitor ang mga ito.


Mayroon na ring programa na inilunsad ang PAGCOR upang makontrol ang pagiging sugapa sa sugal ng isang indibidwal, kung saan maaaring isumbong ang mga kamag-anak nila para sila ay ma-ban o ma-block sa online gambling.


Aminado naman sila na mahirap i-monitor ang online gambling at hindi rin ikinakaila ng PAGCOR na marami silang natatanggap na report na dumarami ang bilang ng mga nalululong sa naturang sugal.


Sinabi naman ng mga eksperto na ang gambling addiction ay isang sakit na maaaring gamutin, lalo na kung may suporta sa kanila ng mga tao. 


Paliwanag ng psychologist na si Anna Tuazon, sa pagsusugal, mayroong partikular na behavioral dynamic na sa tingin ng mga ito ay napakarami na nilang talo o lugi, pero ang nagiging solusyon nila ay kailangang mag-bet o pumusta pa para mabawi ang mga nawala sa kanila.


Hindi madaling maresolbahan ang pagiging adik sa sugal ng isang indibidwal. 


May iba nga sa kanila ay nasasangkot sa krimen dahil nagagawa nang magnakaw para lang may pantaya rito. Meron ding nagsasanla at nagbebenta pa ng gamit sa bahay para magkapera na kalaunan ay ipangsusugal lang. Minsan naman ay nagkakautang-utang na dahil sa lulong talaga sa sugal. 


Masaklap pa nito, dahil may online gambling na mas dumami sila at pati mga kabataan ay nakikisali na rin.


Marahil, dapat na tutukan na ito ng kinauukulan. Kailangan ngang makipagtulungan sila sa mga e-wallet company at iba pang ahensya ng pamahalaan na may kaalaman tungkol dito para masolusyunan ang problema. 


Dapat din sigurong mas higpitan nila ang monitoring at patakaran sa kung sino lang ang dapat payagan na makapasok sa mga online gambling site para naman kahit paano ay mabawasan ang mga adik sa sugal. 


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page