top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pagbuhay sa ecosystem ng Laguna de Bay, Libong fingerlings, pinakawalan

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 7, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 7, 2024


Boses by Ryan Sison

Sa pagnanais na muling buhayin ang ecosystem sa katubigan na sakop ng Laguna de Bay, pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng National Capital Region ang pagpapakawala ng tinatayang 5,750 bangus fingerlings sa nasabing lawa.


Naging matagumpay ang inisyatibong ito sa pakikipagtulungan ng City Agriculture Office ng Taguig City na bahagi ng kanilang programa para maibalik ang sigla ng ating mga ilog at lawa.


Ayon sa BFAR-NCR, layon din ng naturang programa na suportahan ang mga lokal na mangingisda sa lugar.


Bukod dito, target naman ng kagawaran na magpakawala ng aabot sa 50,000 fingerlings ng iba’t ibang uri ng isda mula sa mga karpa, hito, at iba pa.


Inaasahan naman na makatutulong ito para masiguro ang seguridad sa pagkain sa lugar, kasama rin ang pag-employ sa Cash-for-Work beneficiaries na inatasang maglinis ng mga invasive species sa lawa upang maibalik ang ecological balance sa naturang lugar.


Maganda ang programang ito na isinagawa ng pamahalaan, kung saan malaking tulong sa ating mga kababayang mangingisda.


Mas magiging marami na kasi ang mga isda na palalakihin na kalaunan ay kanilang mahuhuli habang maisasaayos pa ang ecosystem ng lawa ng Laguna.


Sa ganitong inisyatibo rin ay mapapabuti ang kalagayan ng katubigan sa lugar at maaalis ang mga hindi kanais-nais na lumulutang-lutang na bagay tulad ng basura.


Paalala lang sa ating mga kababayang mangingisda na maging responsable sa panghuhuli natin ng mga isda. Huwag sana nating gamitan ng mga nakapipinsalang pangisda gaya ng dynamite fishing at cyanide fishing. Sa halip kasi na dumami ang mga maliliit na isda at lumaki pa, agad silang mamamatay at siyempre masisira na naman ang kanilang mga tirahan.


Kumbaga, sa halip na maging pasaway ay tulungan na lamang nating buhayin at pagyamanin ang ating mga katubigan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page