Pagbibigay ng personal na impormasyon sa iba nang walang pahintulot, bawal
- BULGAR
- Feb 13, 2024
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 13, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay nakabili ng lupa mula sa isang developer, at bahagi ng aming transaksyon ay ang pagbibigay ko ng ilan sa aking personal na impormasyon. Ilang linggo ang nakalipas mula nang ibigay ko ang mga nasabing impormasyon, maraming tumatawag sa akin upang mag-alok ng loan. Nalaman ko na nakuha nila ang telephone number ko sa isang kumpanya na inatasan ng nasabing developer na mangolekta at magproseso ng aking impormasyon. Nais kong malaman kung ang developer na pinagkatiwalaan ko ng aking personal na mga impormasyon ay may pananagutan sa nasabing iregularidad. -- Christopher
Dear Christoper,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 10173 na kinikilala bilang Data Privacy Act of 2012. Nakasaad sa Section 14 ng batas na:
SEC. 14. Subcontract of Personal Information. – A personal information controller may subcontract the processing of personal information: Provided, That the personal information controller shall be responsible for ensuring that proper safeguards are in place to ensure the confidentiality of the personal information processed, prevent its use for unauthorized purposes, and generally, comply with the requirements of this Act and other laws for processing of personal information. The personal information processor shall comply with all the requirements of this Act and other applicable laws.
Samantala, nakasaad sa Section 50 ng kaakibat na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nabanggit na batas na:
Section 50. Accountability for Transfer of Personal Data. A personal information controller shall be responsible for any personal data under its control or custody, including information that have been outsourced or transferred to a personal information processor or a third party for processing, whether domestically or internationally, subject to cross-border arrangement and cooperation.
Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas at kaugnay na IRR, ang pagbabahagi at paggamit ng iyong personal na impormasyon nang walang pahintulot ay mariing ipinagbabawal. Sa iyong sitwasyon, ang developer na pinagbigyan mo ng iyong mga personal na impormasyon ay may pananagutan sa kapabayaan ng kumpanya na kanyang kinontrata upang kunin at iproseso ang iyong personal na impormasyon. Ang nasabing developer, bilang isang personal information controller, ang siyang may tungkulin na pangalagaan ang seguridad ng iyong personal na impormasyon, bagama’t ang pagproseso nito ay kanyang itinalaga sa ibang tao o kumpanya. Kaya naman, ang nasabing developer ay may pananagutan sa nasabing iregularidad sa pagproseso ng inyong impormasyon.
Nawa ay nasagot namin ang iyong katanungan. Nais naming ipaalala sa iyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments