Pagbibigay ng donasyon mula sa mana na matatanggap
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 31, 2022
Dear Chief Acosta,
Ibinigay sa akin ng aking ama ang pamana na matatanggap niya mula sa aming lolo na may malubhang karamdaman. Masaya ko namang tinanggap noong araw ding iyon ang donasyon niya sa akin. Sa kasamaang palad, namatay ang aking ama at ang aking lolo ay nabubuhay pa.
May bisa ba ang nasabing donasyon na ibinigay ng aking ama sa akin?
Eduardo
Dear Eduardo,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Article 751 ng New Civil Code of the Philippines na nagsasaad na:
“ARTICLE 751. Donations cannot comprehend future property.
By future property is understood anything which the donor cannot dispose of at the time of the donation.”
Malinaw na nakasaad sa batas na hindi sakop ng donasyon ang mga ari-arian na matatanggap sa hinaharap o anumang bagay na hindi maaaring ipamigay sa panahon ng donasyon.
Nabanggit mo na ang donasyon sa 'yo ng inyong namatay na ama ay ang manang matatanggap niya mula sa inyong lolo. Samakatuwid, walang bisa ang nasabing donasyon dahil hindi nito sakop ang mga ari-arian na matatanggap sa hinaharap tulad ng mana na matatanggap ng iyong ama noong nabubuhay pa siya. Sa madaling salita, ang mana na matatanggap ng inyong ama noong nabubuhay pa siya ay hindi maaaring ibigay sa pamamagitan ng donasyon dahil hindi pa niya ito pagmamay-ari.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments