top of page
Search
  • BULGAR

Pagbebenta ng community property ng asawa

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 24, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Pagkatapos naming magpakasal noong taong 2016, bumili kami ng asawa ko ng property upang gawing investment. Nang kailangan namin ng extra source of income, napagdesisyunan kong magtrabaho abroad. Nang mamatay ang aking asawa, bumalik ako sa Pilipinas para alagaan ang mga menor-de-edad naming anak. Sa pagkakataong ito ko lang nalaman na ibinenta pala ng asawa ko ang ari-arian na binili namin noon bilang mag-asawa. Wala kaming naging kasunduan sa aming property relation bago kami ikinasal. Wasto ba ang kanyang naging pagbebenta?


Mariz


 

Dear Mariz, 


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 96 ng ating Family Code:


“Art. 96. The administration and enjoyment of the community property shall belong to both spouses jointly. In case of disagreement, the husband’s decision shall prevail, subject to recourse to the court by the wife for proper remedy, which must be availed of within five years from the date of the contract implementing such decision.


In the event that one spouse is incapacitated or otherwise unable to participate in the administration of the common properties, the other spouse may assume sole powers of administration. These powers do not include disposition or encumbrance without authority of the court or the written consent of the other spouse. In the absence of such authority or consent, the disposition or encumbrance shall be void. However, the transaction shall be construed as a continuing offer on the part of the consenting spouse and the third person, and may be perfected as a binding contract upon the acceptance by the other spouse or authorization by the court before the offer is withdrawn by either or both offerors.” 


Sang-ayon sa nabanggit, sa pagkakataong ang isang taong may asawa ay mawawalan ng kakayahan o hindi makakalahok sa pangangasiwa ng mga ari-arian nilang mag-asawa, ang kanyang asawa ay maaaring magkaroon ng sole powers of administration, ngunit hindi kasama sa kapangyarihang ito ang disposisyon o encumbrance ng mga ari-arian nang walang awtoridad ng hukuman o nakasulat na pahintulot mula sa kanyang asawa. Sa kawalan ng naturang awtoridad o pahintulot, ang disposisyon o encumbrance ay maituturing na walang bisa.


Dahil mag-isang ibinenta ng iyong asawa ang inyong community property nang wala ang iyong pahintulot, noong ikaw ay nagtatrabaho sa ibang bansa, ang hindi awtorisadong transaksyon ng pagbenta ay walang bisa. Sa ganitong pagkakataon, ang naging bentahan ay maituturing lamang na isang continuing offer o bukas na pag-aalok sa bahagi ng pumayag na asawa at ng pinagbentahan niya nito, at maaaring gawing perfected contract kung ito ay tanggapin ng kanyang asawa o magbigay ng awtorisasyon ang hukuman, bago tuluyang bawiin ang naunang offer ng sinumang partido.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan.  Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page