Pagbawi sa donasyon
- BULGAR
- Jan 24, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 24, 2023
Dear Chief Acosta,
Nagbigay ako ng personal na ari-arian sa aking pamangkin, tatlong taon nang nakalipas. Ang pagbibigay ko ng nasabing ari-arian ay may mga kaakibat na kondisyon na hindi niya nagampanan sapagkat bigla na lamang siyang umalis ng bansa nang walang pasabi. Dahil dito, nais ko na lamang bawiin ang aking ibinigay sa kanya at i-donate na lamang ito sa kanyang bunsong kapatid. Maaari ko bang gawin ito? - Gab
Dear Gab,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na naaayon sa iyong sitwasyon ay ang New Civil Code of the Philippines, partikular ang Artikulo 764 nito, kung saan nakasaad na maaaring bawiin ng nagbigay ng ari-arian ang kanyang donasyon kung sakaling ang mga kondisyon na kaakibat nito ay hindi natupad o nagampanan ng taong pinagbigyan o ng donee. Ayon sa nasabing probisyon:
“Article 764. The donation shall be revoked at the instance of the donor, when the donee fails to comply with any of the conditions which the former imposed upon the latter.
In this case, the property donated shall be returned to the donor, the alienations made by the donee and the mortgages imposed thereon by him being void, with the limitations established, with regard to third persons, by the Mortgage Law and the Land Registration laws.
This action shall be prescribed after four years from the noncompliance with the condition, may be transmitted to the heirs of the donor, and may be exercised against the donee's heirs.”
Bukod pa rito, nakasaad din sa nabanggit na probisyon ng batas na sa oras na binawi na ng donor ang bagay na kanyang ibinigay, ang mga mortgage o pagsangla na ginawa ng donee sa nasabing ari-arian ay wala ng bisa maliban na lamang kung mayroong mga ibang partidong apektado na nito, alinsunod sa mga limitasyong binanggit o nakasaad sa Mortgage Law at sa Land Registration laws.
Gayundin, ang karapatan ng donor na bawiin ang kanyang ari-arian sa taong pinagbigyan niya nito ay magpe-prescribe pagkatapos ng apat na taon mula nang hindi magampanan ng donee ang kanyang mga obligasyon. Ang karapatang ito ay maaari ring gamitin ng mga tagapagmana ng donor at ang ari-ariang ibinigay ay maaari ring bawiin mula sa mga tagapagmana ng donee. Sa iyong sitwasyon, maaari mo pang mabawi ang iyong ibinigay na ari-arian sapagkat hindi nagawa ng iyong pamangkin ang mga kondisyong kaakibat nito at tatlong taon pa lamang naman ang nakalilipas mula nang ito ay iyong ibinigay sa kanya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments