Pagbawi ng business permit sa pabayang negosyante, dapat lang!

ni Ryan Sison - @Boses | December 10, 2020
Kasabay ng unti-unting pagluwag ng quarantine protocols sa iba’t ibang lugar sa bansa, nagbubukas na rin ang ilang negosyo tulad ng mga pasyalan at resort.
At ngayong holiday season, pinapayagan na rin ang pamamasyal sa mga lugar na may maluwag na quarantine classification.
Gayunman, bagama’t mas marami nang negosyo ang balik-operasyon, gayundin, marami tayong kababayan na gustong mamasyal at maglibang, paano naman kung humantong ito sa paglabag sa mga umiiral na health protocols?
Kaugnay nito, kinondena ng Department of Tourism (DOT) ang social gathering na ginawa sa isang resort sa Bgy. Laiya sa San Juan, Batangas.
Batay sa kumalat na video, may grupong nakitang nagtitipun-tipon sa tabing-dagat na makikitang walang suot na facemask at hindi sumusunod sa physical distancing.
Dahil dito, binawi na ng San Juan LGU ang business permit ng naturang beach resort at nakatakda ring sampahan ng kaso ang may-ari nito. Gayunman, suspendido ang operasyon ng resort dahil sa mga naturang paglabag.
Ang Batangas City ay nakasailalim pa rin sa general community quarantine (GCQ).
Sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala at babala, heto at marami pa ring pabayang negosyante.
Nakadidismaya dahil hindi naman siguro nagkulang ang nasyonal at lokal na pamahalaan sa pagpapayo, kaya plis, lang, sumunod naman kayo.
Kumbaga, ‘pag binigyan tayo ng pagkakataong kumita, gawin naman natin ang ating obligasyon tulad pagtiyak na natututukan ang pagsunod sa health protocols.
Hindi kasi puwedeng tuluy-tuloy ang operasyon, pero dedma tayo sa mga ipinatutupad.
‘Ika nga, ‘wag pera-pera dahil habang kumikita tayo, hindi dapat napababayaan ang kaligtasan ng mga kostumer.
Baka sa halip na makabawi ang negosyo, maging problema pa ang ending.
Panawagan sa mga kinauukulan — mapa-lokal o nasyunal na pamahalaan man — patuloy na turuan ng leksiyon ang pabayang negosyante. Kung gusto nilang magpatuloy ang operasyon ng kanilang negosyo, dapat nilang seryosohin ang mga umiiral na kautusan.
Patunayan nating ginawa at sinusunod ang health protocols para sa kapakanan ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments