top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pagbangon ng industriya ng turismo, sagot sa naghihingalong ekonomiya

  • BULGAR
  • Mar 14, 2021
  • 2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | March 14, 2021


Isa ang industriya ng turismo sa mga pinakaapektado ng pandemya, kung kaya’t naniniwala tayong para muling bumangon ang turismo sa ating bansa, kailangan natin itong simulan ng tama.


Kailangan din nating paghandaan at pagpaplanuhan ang mga susunod na hakbang habang hindi pa lubusang bukas ang ating tourism industry.


☻☻☻


Sina-suggest kasi ng market research ang post-COVID scenario na magkakaroon ng pagdagsa ng mga tao sa mga natural spaces at adventure tourism, kung kaya’t kailangan nating protektahan ang ating kalikasan.


Ipinakita ng pandemya na kailangan nating mag-adapt at magkaroon ng mga pagbabago, lalo na pagdating sa hospitality management, customer demands at experience, consumption patterns, pagbabago sa design at pagsasama ng kalikasan upang magkaroon ng mas ligtas, mas malusog at sustainable space para sa lahat.


Lumalabas din sa survey ng kilalang homestay website na karamihan sa mga turistang Pilipino ngayon ay pinipili ang mga hindi mataong destinasyon at umiiwas na sa mass travel.


☻☻☻


Kung kaya’t nitong nakaraang linggo ay dininig natin ang panukalang-batas na maaaring maging modelo kung paano natin mapakikinabangan ang kalikasan habang patuloy itong napangangalagaan.


Layon ng Senate Bill number 1328 at House Bill number 7689 na gawing ecotourism zone at protektahan ang karagatan at lupa na sakop ng limang bayan sa northern Antique.

Hinihimok din nito ang responsable at sustainable na conservation at paggamit ng mga natural resources sa lugar na ito, lalung-lalo na ang mga endemic species na makikita rito.


Napakalapit ng northern Antique sa Isla ng Boracay, at inaasahan na darayuhin din ito ng mga turista, tulad ng nangyari noong isinara ang isla sa turismo noong 2018.


Marami kasing undeveloped tourist spots sa northern Antique tulad ng mga beaches, diving spots, at mga bundok.


☻☻☻


Ipinakita sa atin ng COVID kung gaano kahalaga ang mga open spaces. Binago ng pandemya ang pagtingin natin sa kalikasan, lalo na ang preskong hangin, dumadaloy na tubig, at iba pang hindi napapansin noon.


Ipinapakita rin nitong kailangang magkaroon ng balanse sa pag-develop ng turismo at pangangalaga ng kalikasan.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page