Pagbalik-tanaw sa malaking ambag sa industriya ng pelikula at pulitika ng ‘tunay na agimat’
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 28, 2021
Noong Sabado, Hunyo 26 ay inalala ng aming buong pamilya ang araw ng kamatayan ng aking ama na si Ramon Revilla, Sr. na sa ating tradisyon ay tinatawag itong ‘babang-luksa’.
Napakabilis ng isang taon, parang kahapon lang ng bawian ng buhay ang aking ama matapos na ilang ulit itong magpabalik-balik sa pagamutan hanggang sa pinakahuling pagkakataon ay nakiusap siyang umuwi na sa bahay upang ipagdiwang ang Father’s Day.
Ilang araw matapos ang selebrasyon, ganap na alas-5:20 ng hapon nang pumanaw ang aking ama dahil sa multiple organ failure o acute respiratory failure secondary to pneumonia na naging dahilan ng heart failure na kanyang ikinasawi sa aming piling.
Sa edad na 93 ay pumanaw na ang isa sa haligi ng pelikulang Pilipino, filmmaker, aktor, isang Senador at higit sa lahat ay mabuting ama hindi lang sa kanyang mga anak kung hindi maging sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Ang aking ama na lumilingon sa tawag na Don Ramon sa mga nakakakilala sa kanya ng personal ay ipinanganak noong Marso 8, 1927 sa Imus, Cavite ay kilala sa pelikulang Pilipino sa kanyang kapanahunan bilang ‘Hari ng Tugma’ (literally ‘King of Rhyme’).
Nagtapos ito sa Far Eastern University ng kanyang bachelor’s degree in commerce bago pumalaot sa film industry, ngunit hindi siya kontento sa takbo ng kanyang karera kaya iniwan niya ito at naging head ng Secret Service Unit ng Bureau of Customs noong 1965.
Muli siyang nagbalik-pelikula noong 1972 sa pamamagitan ng ‘Nardong Putik’: Kilabot ng Cavite kung saan nagsimulang mamukadkad ang kanyang pangalan at muli siyang gumawa ng mga pelikula sa sarili niyang Imus Productions sa tulong ng aking ina na si Azucena Mortel.
Ang kanyang karakter sa ‘Pepeng Agimat’ at ‘Nardong Putik’ ang nagbigay sa kanya ng imahe ng isang pagiging superhuman sa pamamagitan ng taglay niyang anting-anting at maging ang ABS-CBN ay ginawa pang TV series ang 4 sa mga sikat niyang pelikula at pinamagatan itong Agimat: Ang Mga Alamat ni Ramon Revilla.
Taong 1973 ay nagwagi ang aking ama ng Famas Best Actor Award para sa ‘Hulihin si Tiyagong Akyat’ kasama ang aking panganay na kapatid na si Marlon Bautista para sa Famas Best Child Actor Award at kinilala rin ang Imus Productions bilang Outstanding Film Production noong 1975.
Kinilala ring Outstanding Producer of the Year ang aking ama; 1979 ay itinanghal din siyang Most Outstanding Actor at Box Office King; at 2011 ay ginawaran siya ng Lifetime Achievement Award sa ika-33rd Catholic Mass Media Award Night.
Taong 1992 ay naihalal na Senador ang aking ama at natapos nito ang kanyang dalawang termino noong 2004 at sa dami ng isinumite at iniakda niyang batas ay isa sa pinakapopular ang ‘Revilla Law’ o ang maaari nang paggamit ng apelyido ng kanyang ama ng illegitimate child upang hindi na umano nito maranasan ang stigma na tawaging ‘anak sa labas’.
Napakaraming alaalang iniwan ng aking ama hindi lang sa publiko kung hindi sa buo naming pamilya, partikular sa aking paglaki kung paano niya ako inalalayan at palaging isinasama sa mga ginagawa niyang pelikula hanggang sa magsama kami sa pelikulang ‘Dugong Buhay’ kung saan nagsimula ang aking karera bilang action star.
Sa tulong ng aking ama ay nagtuluy-tuloy ang aking karera sa showbiz hanggang sa pumalaot na ako sa pulitika at ang lahat ng pangyayari sa buhay ko ay napakalaking utang na loob ko sa aking ama.
Isa sa napakalaking karangalan ko bilang anak ay ang ipagkatiwala niya sa akin ang buo niyang pangalan at palagi niyang sinasabi sa akin na dapat ko itong ingatan at mabuhay ng maragal.
Ang pagkawala ng aking ama na tinaguriang ‘Agimat ng Masa’ ay napakalaking kawalan hindi lang sa film industry at pulitika kung hindi sa buo naming pamilya lalung-lalo na sa akin bilang anak na sumusunod sa kanyang yapak.
Hindi ba’t hanggang sa huli ay ramdam ko pa rin kung paano niya ako inaalalayan sa lahat ng aking galaw dahil maging ang pagbabalik ko sa telebisyon na ‘Agimat ng Agila’ sa GMA Network ay base pa rin sa kaniyang mga anting-anting adventure.
Hinding-hindi ko na matatakasan ang anino ng aking ama at wala naman akong planong takasan ito dahil sa buong dangal ko itong ipinagmamalaki bilang anak at ipamamana ko pa sa aking mga anak ang ‘agimat’ na taglay ng aking ama.
Sa paglipas ng isang taon nang araw ng kanyang kamatayan ay dama ko pa rin bilang anak ang lungkot na kahit kailanman ay hindi ko naramdaman ngunit sa kaniyang ‘babang-luksa’ ay mananatili ang kaniyang alaala sa aking puso at isipan habang ako ay nabubuhay.
Kahit saan ako magpunta ay palagi pa ring itinatanong sa akin kung ipinamana ba sa akin ang agimat ng aking ama at ang palagi kong sagot, higit pa sa agimat, dahil marami pang ibang mabubuting halimbawa ang ipinaman niya sa akin. Daddy, miss na miss ka na namin.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments