Mga panggulong kandidato, out!
ni Ryan Sison - @Boses | November 8, 2021
Sa oras na masala ang talaan ng mga nagsumite ng certificate of candidacy (COC) para sa nasyonal na posisyon, maaaring ideklarang ‘nuisance candidates’ ang mayorya ng mga ito.
Ayon kay Comelec Education and Information Department Director Elaiza Sabile-David, sa 569 aspirants, halos 3/4 o 75% nito ang maidedeklarang nuisance candidates.
Base sa datos ng Comelec, nakatanggap sila ng 97 COC para sa pagka-pangulo; 28 sa pagka-bise presidente, 174 sa senador at 270 party-list candidates.
Kaugnay nito, nagsumite na aniya ng petisyon ang kanilang law department para ideklara ang 75% ng mga aspirante bilang nuisance at nakatakdang desisyunan ng mga komisyuner.
Matatandaang base sa Rules of Procedure ng Comelec, maidedeklarang nuisance ang sinumang aspirante na nagsumite ng COC para insultuhin o bastusin ang proseso ng halalan o kaya ay lumikha ng kalituhan. Gayundin, kasama dito ang nagpakita na wala talaganginteres na tumakbo sa halalan.
Sa kasalukuyan, may ilang sektor nang nagtutulak na ideklarang nuisance candidate ang mga partikular na kandidato.
Dapat lang na sipain sa eleksiyon ang mga panggulong kandidato at magpokus tayo sa mga totoong may ‘K’ magkaroon ng posisyon sa gobyerno. ‘Yung tipong, natatakbuhan sa oras ng pangangailangan at hindi nagpaparamdam lamang tuwing halalan.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, sana’y maging patas ang ginagawang pagsala sa mga nagnanais tumakbo sa nasyonal na posisyon. At kapag napatunayang panggulo lang, out na ‘yan agad.
Habang may panahon pa, gawin natin ang ating makakaya upang maging maayos at malinis ang parating na eleksiyon.
Tandaan, anim na taon ng ating buhay ang nakasalalay dito, kaya plis lang, ‘wag sana tayong magkamali.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments