top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagbalik ng number coding, pag-aralang mabuti

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 7, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 7, 2021



Kung lalala pa ang bigat ng daloy ng trapiko sa EDSA, posibleng ibalik na ang number coding scheme.


Ayon kay Metropolitan Manila Development (MMDA) chairperson Benhur Abalos, maaari itong mangyari dahil na rin sa pagluluwag sa galaw ng mga tao.


Base sa pagtaya ng MMDA, ang naitatalang bumabiyaheng sasakyan sa EDSA kada araw ay umaabot sa 402,000, bagay na malapit na sa naire-record na 405,000 noong pre-pandemic days.


Gayunman, umaasa ang opisyal na huwag magbunga ng panibagong pagtaas ng COVID-19 cases ang pagdami ng mga taong nakalalabas.


Matatandaang isa sa mga rason kaya hindi pa naibabalik ang number coding ay dahil pribadong sasakyan ang ginagamit ng ilang empleyado upang makapasok sa trabaho, lalo na ang frontliners.


Bagama’t ginhawa para sa ilang empleyado ang pribadong sasakyan, hindi maitatangging ito rin ang nagiging sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko.


Panawagan tuloy ng ilang komyuter, ibalik na ang coding dahil mas mataas naman na ang kapasidad ng mga pampublikong sasakyan.


‘Yun nga lang, marami pa ring natatakot na makipagsapalaran sa biyahe dahil sa pangambang makasagap at makapag-uwi ng virus. Kaya ang tanong, napapanahon at kakayanin na bang ipatupad muli ang number coding?


Panawagan sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti kung dapat na nga bang ibalik ang patakarang ito. Kumbaga, timbangin ang mabubuting idudulot nito sa mga motorista at komyuter.


Sa kabila nito, hinimok ng opisyal ang publiko na iwasan pa ring lumabas kung hindi naman kinakailangan.


Gayunman, panawagan sa lahat, iwasang lumabas kung hindi kinakailangan. Ipaubaya na natin sa mga naghahanapbuhay ang pribilehiyong makalabas at makabiyahe.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page