Pagbabayad ng tax, ilibre muna o bigyan ng 50% discount!
ni Ka Ambo - @Bistado | February 13, 2021
Payag na ang gobyerno sa 50 percent capacity ng simbahan sa GCQ area.
Huh, pero mag-ready kayo na mag-fifty-fifty in case na maospital kayo!
◘◘◘
YUMAO na ang lider ng sekta at Bible doctrine master na si Bro. Eli Soriano.
Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa!
◘◘◘
BUBUKSAN na ang mga sinehan.
Pero, may social distancing at face mask pa rin.
Lalangawin pa rin ‘yan!
◘◘◘
PERO good news sa mga taga-showbiz ang pagbubukas ng mga sinehan.
‘Yan ang mistulang sinaunang teatro!
◘◘◘
TAMA ang ginagawa ng gobyerno na pagluluwag sa kilos ng tao.
Ang “mobility” ay isa sa 11 basic needs na prayoridad ni ex-P-Marcos!
◘◘◘
KUNG nagtalaga si P-Digong ng vaccine czar, hindi ba puwedeng mag-appoint din siya ng “balik-normal czar”?
Dapat bumuo ng “barangay task force” na magpapaluwag sa galaw ng tao at bubuhay ng mga negosyo!
◘◘◘
DAPAT sa loob ng tatlong buwan, ilibre muna ang pagbababayad ng buwis o bigyan ng 50 percent discount ang mga magbabayad ng tax at iba pang bayad sa lisensiya sa pagnenegosyo.
Ito ay upang maakit ang taumbayan na buhayin o magnegosyo!
◘◘◘
BUBUIN ang barangay task force upang kumuha ng datos kung ilang negosyo ang nananatiling sarado, ilan ang nakapag-reopen at ilan ang “bagong nagsisimula”.
‘Yan ang datos na dapat ibinabalita ng media!
◘◘◘
NAKAKABURYONG na ang negatibong ulat na gumagrabe ang COVID pero sa aktuwal ay nalilipasan na ito ng talab.
Mali ang presentasyon ng mga ulat at impormasyon kaya’t nagkakaletse-letse ang desisyon ng gobyerno at ordinaryong mamamayan!
◘◘◘
DINAGSA na ang mga resort sa Luzon sa 3-day holiday.
Sabik na sabik ang mga tao na maglamyerda at mawala ang stress!
◘◘◘
EKONOMIYA na ang isyu, hindi ang COVID at bakuna.
Marami na ang ayaw magpabakuna dahil napatunayan nilang “hindi totoo ang ilang impormasyon” na inilalabas tungkol sa COVID!
◘◘◘
SA gitna ng krisis, nabawasan ng malaki ang bilang ng transaksiyon sa mga bangko at pawnshop.
‘Yan ay tunay na indikasyon ng pagdarahop!
◘◘◘
ANUMAN ang naganap sa buong 2020, ang negatibong epekto nito ay mararadaman sa taong 2021.
Sa numerolohiya at mula sa mistikong mensahe ng Mystic No.5 na umiimpluwensiya sa 2021—mabilis na makababalik sa normal ang ating henerasyon.
Taliwas ito sa ikinakalantari ng mga eksperto!
◘◘◘
MAGUGULANTANG ang lahat sa mga inobasyon at pagkadiskubre sa larangan ng siyensiya.
Magugulantang ang lahat sa biglang pagsulpot ng isang “lider na may pambihirang karisma”.
‘Yan na mismo ang “modernong Kristo”— social media celebrity!





Comments