Pagbabayad ng sublessee ng renta sa lessor
- BULGAR
- Jun 30, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 30, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay nangungupahan sa aking katrabaho na umuupa sa bahay. Nang hindi mabayaran ng aking katrabaho ang renta, hiniling sa akin ng nagpapaupa ng bahay na magbayad ng upa. Tumanggi ako at nangatwiran na kalahati lang ng renta ang kasunduan namin ng aking katrabaho. Sino ba talaga ang may obligasyon na magbayad ng renta sa nagpapaupa? - Dal
Dear Dal,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Article 1652 ng Civil Code of the Philippines na nagsaad na:
“ARTICLE 1652. The sublessee is a subsidiary liable to the lessor for any rent due from the lessee. However, the sublessee shall not be responsible beyond the amount of rent due from him, in accordance with the terms of the sublease, at the time of the extrajudicial demand by the lessor. xxx.”
Dagdag pa rito, tinalakay sa Wheelers Club International, Inc. vs. Jovito Bonifacio, Jr. (G.R. No. 139540, June 29, 2005), na isinulat ni Kagalang-galang na Dating Kasamahang Mahistrado Antonio T. Carpio ng kagalang-galang na Korte Suprema na:
“Moreover, although Article 1652 of the Civil Code permits the lessor to proceed against the sublessee for rent due from the lessee, this is only on a subsidiary liability basis. There must be a judgment cancelling the lessee’s principal lease contract or ousting the lessee from the premises before the sub-lessee becomes subsidiary liable.”
Malinaw na nakasaad sa batas na ang sublessee ay magkakaroon lamang ng obligasyong magbayad sa nagpapaupa kung sakaling hindi makabayad ang umuupa (subsidiary liability) at kinakailangan na magkaroon ng hatol ang hukuman na nagkakansela sa kontrata ng pagpapaupa sa umuupa o pagpapatalsik sa umuupa mula sa inuupahang lugar. Gayunman, ang sublessee ay hindi mananagot ng higit sa halaga ng renta na dapat niyang bayaran, alinsunod sa tuntunin ng kanyang kasunduan.
Maituturing ka na sublessee dahil napagkasunduan ninyong mangupahan sa inyong katrabaho na umuupa sa bahay. Ang inyong katrabaho, bilang umuupa, ang may obligasyong bayaran ang buong renta sa nagpapaupa. Magkakaroon lamang kayo ng obligasyong magbayad sa nagpapaupa kung sakaling hindi makabayad ang inyong katrabaho at kung magkaroon nang hatol ang hukuman na nagkakansela sa kontrata ng pagpapaupa o pagpapatalsik sa inyong katrabaho sa inuupahan ninyong bahay. Gayunman, hindi maaaring managot ng higit sa halaga ng renta na inyong napagkasunduan ng iyong katrabaho.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments