top of page
Search
  • BULGAR

Pagbaba ng COVID-19 cases, ‘di dahilan para magrelaks!

ni Ryan Sison - @Boses | May 17, 2021


Bagama’t bahagyang bumubuti ang sitwasyon sa mga ospital, hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko.


Ito ang panawagan ng ilang health experts matapos magkaroon ng makabuluhang pagbaba sa bilang ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19 na naa-admit sa mga pagamutan at government hospitals.


Giit ng mga eksperto, mahalaga pa rin ang patuloy na surveillance at testing para malaman ang status ng mga variant ng COVID-19, partikular ang Indian variant.


Matatandaang may dalawa nang kumpirmadong Pilipinong dumating sa bansa na may COVID-19 variant na unang nakita sa India kung saan libu-libo ang namamatay kada araw dahil sa sakit.


Mula noong Sabado, Mayo 15, nasa ilalim na ng general community quarantine o heightened GCQ ang Metro Manila at karatig-bayan ng Cavite, Bulacan, Rizal at Laguna.


Kaya naman, paalala ng health experts, huwag nang hayaan pang magkaroon ng muling pagtaas ng kaso dahil sa pagluwag ng quarantine status.


Kung tutuusin, ilang beses nang tumaas ang bilang ng COVID-19 cases matapos luwagan ang quarantine restrictions, kaya sa pagkakataong ito, sana naman ay nadala na tayo.


Hindi porke marami nang nakapagpabakuna at unti-unting bumababa ang naitatalang COVID-19 cases ay puwede na tayong magrelaks.


Tandaan, hindi lamang iisa ang kalaban natin dahil may iba’t ibang variant pa sa paligid.

Kaya kung iisnabin na natin ang mga umiiral na health protocols, malamang na sa wala rin mapupunta ang lahat ng pagsisikap at sakripisyo natin.


Dahil dito, pakiusap natin sa gobyerno, ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols kahit pa niluwagan ang quarantine restriction.


At tayo namang mamamayan, iwasang magpasaway dahil kailangang maiwasan ang hawaan at pagkalat ng iba pang COVID-19 variant.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page