Pagbaba ng bilang ng bagong COVID-19 cases, sabayan pa rin ng pag-iingat
ni Ryan Sison - @Boses | October 12, 2021
Posibleng mailagay sa ‘low risk’ sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR) sa pagtatapos ng Oktubre.
Ito ang nakikita ng OCTA research group matapos umanong mag-peak ang virus cases sa NCR at ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, sa ngayon ay nakakapagtala na lang ng seven-day average na 2,000 bagong kaso.
Wala rin umano silang nakikitang variant of concern na nagbabanta, kaya sa tingin nila ay magtutuluy-tuoy na ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 hanggang sa panahon ng Pasko.
Gayunman, sa kasalukuyan ay nasa 0.6 ang COVID reproduction number sa NCR, habang bumababa na rin ang hospital occupancy rate at ang positivity rate ay nasa 13% na lamang.
Dagdag pa ni David, posibleng sa linggong ito ay maging 4-digit o mas mababa sa 10,000 ang national average o COVID-19 cases na naitatala sa bansa. Sa ngayon, naglalaro pa hanggang 11,000 ang seven-day average.
Samantala, naniniwala ang grupo na ang pagbaba ng mga kaso sa NCR ay posibleng dulot na rin ng herd immunity dahil nasa halos kalahati na ng eligible population ang fully-vaccinated sa rehiyon.
Samantala, umaasa ang DOH na may pagluluwag na sa restrictions ngayong Kapaskuhan dahil sa bumababang daily average ng COVID-19 cases.
Magandang balita ito para sa lahat dahil kung patuloy na bababa ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 posibleng magluwag ng quarantine restrictions. Nangangahulugan din itong mas marami tayong kababayan na makababalik sa trabaho.
Pero kasabay ng lahat ng ito — bakunado man o hindi — kailangan nating ipagpatuloy ang pagsunod sa mga umiiral na health protocols tulad ng tamang pagsusuot ng facemask, social distancing at regular na pag-disinfect ng mga kamay, bagay na nakatulong din sa pagbaba ng mga kaso.
Talagang mas maligaya ang Kapaskuhan kung puro good news ang darating sa mga susunod na linggo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments