ni Ryan Sison @Boses | November 24, 2023
Dahil sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon, abala na ang marami sa paghahanda at kabi-kabilang pagdiriwang habang halos lahat ng mga pabrika ng paputok ay nagkukumahog naman sa kanilang negosyo.
Subalit, sa kasamaang palad isang babae ang nasawi sa nangyaring pagsabog sa pagawaan ng paputok sa Bocaue, Bulacan, nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa Bulacan Police Provincial Office, ang 45-anyos na babaeng biktima ay empleyado ng pagawaan ng paputok na nasa Barangay Bunlo ng nasabing lalawigan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, gumagawa ng kuwitis ang biktima nang bigla itong sumabog, kung saan nagtamo siya ng sunog sa malaking bahagi ng katawan at sugat sa mukha habang naputol ang kaliwang binti niya.
Naisugod pa ang biktima sa ospital pero idineklara ding namatay kalaunan.
Gayundin, nito lamang Oktubre ay napabalita na may lalaking naputulan ng paa nang masabugan ng sangkap sa paggawa ng firecrackers sa Lipa City, Batangas. Naitakbo naman ito agad sa ospital at nalapatan ng lunas.
Totoong abala na sa ngayon ang mga pabrika ng paputok lalo na sa Bulacan na siyang sentro ng pagawaan ng mga ito.
Kung mapapansin, halos magkakatabi na ang mga pagawaan nito, pati na rin ang mga tindahan ng paputok.
Gayunman, tila walang sapat na safety gears at equipments na ginagamit o suot man lang ang mga trabahador ng ganitong pabrika.
Maging ang paghawak ng mga empleyado ng mga pulbura sa paggawa ng iba’t ibang klase ng paputok ay tila simpleng gloves lang ang ginagamit o kung minsan ay wala pa.
Kaya marahil, kapag biglang sumabog ang mga ginagawang nilang paputok ay sapul agad ang mga ito.
Paalala natin sa mga may-ari ng pabrika ng paputok na sana ay tingnan naman natin ang sitwasyon ng ating mga trabahador at hindi basta ipaubaya na lang natin sa kanila ang lahat. Alamin din natin kung anong kailangan at nararapat habang gumagawa ang mga ito ng paputok.
Panawagan naman natin sa kinauukulan na sana hindi lang bantayan ang pagbebenta ng mga ilegal na paputok, kundi inspeksyunin din mismo kung maayos ba ang lugar at pagawaan nito, at tingnan din ang kalagayan ng mga trabahador nito.
Sa ating mga kababayan, isipin natin na napakadelikado talaga ng ganitong trabaho kaya dapat na mas doble-ingat ang ating gagawin para hindi madale o mapahamak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Commentaires