Pagadian at 3 pa sa Team ng Mindanao sa Super Cup
- BULGAR
- Nov 20, 2021
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | November 20, 2021

Sa pagsisimula ng All-Mindanao teams sa second conference ng CTG-Pilipinas VisMin Super Cup ngayong gabi, tiyak na maghahanap ng magandang panimula ang apat na koponang magtatapat sa pagbubukas ng mga bakbakan sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Nakatakdang magsagupa ang Iligan Archangels at Roxas Vanguards sa unang laro ng 4 p.m. na susundan ng host-team na Pagadian Explorers at MisOr Kuyamis sa 6:30 ng gabi.
Matapos ang masaklap na 2-6 record sa nakalipas na Mindanao leg matapos putaktehin ng injuries, asam ng MisOr Kuyamis na makabawi sa unang laro na dumaan sa team development at roster management.
Mamanduhan ni dating MPBL Quezon City Capitals coach Vis Valencia ang koponan na pangungunahan nina Jason Ballesteros, Andrew Estrella, dating PBA players Mac Baracael at Reil Cervantes, JM Gonzales, Joel Lee Yu, Ralph Salcedo, Lucas Tagarda, Byrlle Meca, Joseph Nalos, at iba pa. “First of all, we started to build this team, and we see how competitive the league… and we focused on revamping this team,” pahayag ni Valencia na unang beses sasalang bilang coach ng Vis-Min matapos mag-coach sa MPBL, PBA D-League, CBA Pilipinas at schools na University of Makati, St. Paul at St. Vincent School.
Bukod sa Iligan, Roxas, MisOr at Pagadian, parte rin ng kompetisyon ang defending Southern champions na Basilan-BRT Peace Riders, Kapatagan Buffalos at Zamboanga Sibugay Anak Mindanao Warriors sa torneong tatagal hanggang Dis. 19. Ang Iligan Archangels ay desididong kalimutan ang masalimuot na unang komperensya ng sumadsad sa standings na walang panalo.
Pansamantalang lumiban muna ang mga koponan ng Visayas na ‘leave of absence’ pero nangakong babalik sa 2022. Ang laro ay may double round-robin elimination na ang top team ay papasok ng semis. Ang semis ay knockout game habang ang championship series ay best-of-three.





Comments