‘Pag wala na sa poder… Damay si P-Duterte sa kasong plunder sa overpriced na facemask at face shield
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 01, 2021
IMBES NA PAIMBESTIGAHAN, SINABIHAN NI P-DUTERTE ANG MGA PINOY NA HUWAG PANIWALAANG MAY OVERPRICED SA PAGBILI NG FACEMASK AT FACE SHIELD—Sa meeting ng IATF (Inter-Agency Task Force), sinabihan ni P-Duterte ang mamamayan na huwag paniwalaan ang sinasabi ng mga senador na may overpriced sa pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ng mga facemask at face shield.
Ganun? Ang pagkakabili ni former PS-DBM chief Christopher Lloyd Lao per piraso ng facemask ay P27 at face shield ay P120, tapos para kay P-Duterte, hindi pa ‘yan overpriced.
Pambihira, imbes na paimbestigahan ang kontrobersiya ay ipinagtatanggol pa ni P-Duterte ang mga sangkot sa katiwalian ito, buwisit!
◘◘◘
MALINAW NA MAY KATIWALIAN SA PAGBILI NG OVERPRICED NA FACEMASK AT FACE SHIELD, PERO GUSTO PANG UNGGUYIN NI P-DUTERTE ANG MGA PINOY NA WALANG ANOMALYA RITO—Sa totoo lang, pasok na pasok sa katiwalian ang mga sangkot sa pagbili ng overpriced na facemask at face shield kasi sa isang “kumpanya” na may P625-K lang na capital sila bumili, at ang matindi ay peke pa pala ang address nito.
Malinaw na may katiwalian dito, tapos gusto pang “ungguyin” ni P-Duterte ang mga Pinoy na wala anomalyang naganap dito, pwe!
◘◘◘
SABLAY ANG PAG-AMIN NI P-DUTERTE NA SIYA ANG NAG-UTOS KAY SEC. DUQUE NA IBIGAY ANG PONDO NG DOH KAY LAO PARA PAMBILI NG FACEMASK AT FACE SHIELD—Ang sabi ni P-Duterte ay siya ang nag-utos kay Sec. Francisco Duque III ng Department of Health (DOH) na ang bilyun-bilyong pondo ng kagawaran ay ibigay sa PS-DBM para ipambili ng facemask at face shield.
Sablay ang pag-amin na ‘yan ni P-Duterte kasi kapag wala na siya sa poder at wala na siyang immunity sa kaso, tiyak na kasama na siya sa puwedeng sampahan ng kasong plunder sa pagbili ng overpriced na mga facemask at face shield, abangan!
◘◘◘
BAKIT MADALAS IPANGTANGGOL NI P-DUTERTE SI MICHAEL YANG?—Bukod kina former PS-DBM chief Lao at Sec. Duque, kabilang sa nasasangkot sa anomalyang ito ay ang kaibigan ni P-Duterte na Chinese national na si Yang Hong Ming alyas “Michael Yang”.
Si Michael Yang ay madalas ipagtanggol ni P-Duterte, tulad nang mabulgar noon na in-appoint pala niya ito bilang economic adviser ng Malacañang, bawal ito sa batas ng Pilipinas kasi Chinese national siya ay ipinagtanggol siya ng pangulo; nang isangkot ito (Yang) ni former anti-drug officer, Col. Eduardo Acierto sa ilegal na droga, ipinagtanggol din ito ng pangulo, naninira lang ang police colonel at ngayong sabit ito sa katiwalian ng PS-DBM at DOH, sabi ng pangulo ay tumulong lang ito sa pagbili ng facemask at face shield.
Kung ano ang dahilan at lagi na lang ipinagtatanggol ni P-Duterte si Michael Yang ay silang mga nasa Malacañang na lang nakakaalam, period!





Comments