top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pag-upgrade sa mga ospital at serbisyo, dapat non-stop

BULGAR
Mar 23, 2022
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 23, 2022


Sa aking patuloy na pag-iikot sa buong bansa at pagbisita sa mga komunidad na nangangailangan lalo na nitong pumutok ang pandemya, saksi po ako sa sitwasyon sa baba at kita doon na napakahalaga ng pagsasaayos ng mga ospital at pagpapatayo ng bagong pasilidad para may malalapitan ang taumbayan pagdating sa serbisyong pangkalusugan.


Maliban sa pagiging bagong sakit nitong COVID-19, nahirapan tayo sa umpisa ng pandemya dahil meron pa ring dapat palakasin sa ating healthcare system, katulad ng pagpapalawak sa kapasidad, mas modernong kagamitan, mas sapat na personahe, at dagdag benepisyo at proteksyon sa ating mga healthcare workers.


Ngayon po ang panahon para talagang tutukan natin ang pag-i-invest sa ating healthcare system.


Ipinagdarasal natin na ito na ang huling pandemya sa ating buhay, pero ang totoo ay hindi natin alam kung mayroon pang darating sa susunod kaya dapat maging laging handa na tayo. Kaya todo ang suporta namin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pangangailangan ng mga ospital dahil ang makikinabang dito ay ang mga mahihirap at mga walang matakbuhan.


Sa maraming lugar sa kanayunan, nakita ko na talagang kulang pa ang naibibigay na serbisyong pangkalusugan. ‘Yung ibang komunidad, ang pinakamalapit na ospital, ilan daang kilometro pa ang lalakbayin para lang marating. Kung may emergency, marahil hindi na aabot ang pasyente. Kaya tinulungan namin sila para makapagpatayo sila ng bagong ospital, katulad ng pagbubukas ng bagong Davao Occidental Provincial Medical Center na aking binisita noong nakaraang linggo. Isa ito sa mga batas na ipinaglaban natin sa Senado.


Meron ngang mga ospital na umaabot pa ng 400% ang kanilang actual bed occupancy. Nakakapanlumong makitang may ibang mga pasyente na nasa corridor na ng ospital dahil walang available na kama. Paano bibilis ang kanilang paggaling, paano maiiwasan ang hawaan ng sakit, kung hahayaan nating ganyan ang sitwasyon nila?


Kaya naman sa aking kapasidad bilang Chair ng Senate Committee on Health, ginagawa ko ang lahat ng paraan para makapag-invest tayo para sa health facilities, gawing moderno ang kanilang mga kagamitan at mapalakas ang kakayahang magbigay ng serbisyo.


Nitong Marso 21, 2022 ay personal kong binisita ang Malasakit Center na nasa East Avenue Medical Center sa Quezon City. Nag-turnover din ang Office of the President ng PhP135 milyon para sa upgrading ng kanilang Medical Oxygen Generating System at pagkakabit ng mga kinakailangang outlets, valves, piping system at accessories nito.


Nakakataba rin ng puso na maraming pasyenteng natutulungan ang mga Malasakit Center natin. Sa katunayan, nang dumating ako sa EAMC, naabutan ko ang mga kababayan nating humihingi ng tulong medikal sa Malasakit Center doon. Ito ang rason kung bakit ipinaglaban nating maisabatas ang Malasakit Centers Act noong 2019 para may madaling malalapitan ang mga mahihirap na may sakit. Sana lang ay masuportahan ang programang ito ng gobyerno, hindi lang ngayon, kundi sa susunod pang mga administrasyon.


Patuloy din ang aming pagdinig sa Senado ng mga nakasumiteng panukalang batas para ma-upgrade ang mga kasalukuyang ospital at makapagpatayo pa ng mga bago sa iba’t ibang dako ng bansa.


Nitong Marso 22, tinalakay ang mga nakasumiteng hospital bills para sa pagsasaayos ng limang Department of Health hospitals, 17 local hospitals, at ang renationalization ng limang hospitals. Umaasa ako na sana ay masuportahan ito ng mga kasamahan ko sa Senado dahil isang malaking hakbang ito para mailapit ang serbisyong may malasakit sa bawat Pilipino, kahit nasaan man sila sa bansa.


Asahan n'yo na bilang inyong lingkod, patuloy akong magtatrabaho, kasama ang mga kapwa ko mambabatas hanggang sa nalalabing araw ng Kongresong ito para ipaglaban ang pagpapalakas sa ating mga programang pangkalusugan.


Sa gitna ng iba’t ibang pagsubok na ating kinakaharap, humihingi ako sa ating mga kababayang Pilipino ng patuloy na kooperasyon at suporta para mapanatili nating ligtas ang ating mga sarili at ang ating mga komunidad. Ang ligtas at maayos na kalusugan ang pinakamagandang maireregalo natin sa susunod na henerasyon kasama ang mas komportable at maginhawang buhay na ipinangako ng ating mahal na Pangulong Duterte.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page