‘Pag nakapaglabas si Zaldy Co ng resibo na ‘masterminds’ sa flood control scam sina PBBM at Romualdez, Marcos admin, lagot!
- BULGAR

- 14 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 15, 2025

MATATAPOS NA ANG MARCOS ADMIN, KAPAG NAKAPAGLABAS SI ZALDY CO NG MGA RESIBO NA ANG MAGPINSANG PBBM AT ROMUALDEZ ANG ‘MASTERMINDS’ SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa inilabas niyang video, isinangkot ni former Cong. Zaldy Co sina Pres. Bongbong Marcos at Rep. Martin Romualdez sa flood control projects scam, na aniya ay may mga ebidensya at resibo raw siyang pinanghahawakan laban sa magpinsang ito.
Naku, kapag may nailabas ngang mga ebidensya at resibo si Zaldy Co laban sa magpinsang PBBM at Romualdez, malamang diyan na matatapos at babagsak ang Marcos administration, abangan!
XXX
MALAMANG SAKIT-ULO NA SI SEN. ESCUDERO, DAHIL KAPAG NAPATUNAYANG GUILTY SA MGA ALEGASYON, TANGGAL NA SA PAGKA-SENADOR, KULONG PA SIYA -- Tatlong sakit-ulo ang inabot kahapon ni Sen. Chiz Escudero. Una, sa Senate Blue Ribbon Committee ay dinikdik siya nang husto ni former Dept. of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo sa pagtanggap ng 20% kickback sa mga flood control projects. Pangalawa, sinampahan siya ni Atty. Marvin Aceron ng mga kasong graft, malversation, falsification of public documents at gross misconduct noong gobernador pa siya ng Sorsogon; at pangatlo, sinampahan din siya ng grupo ni Atty. Jesus Falcis sa Comelec ng paglabag niya sa Omnibus Election Code kaugnay sa pagtanggap niya ng P30 million campaign fund sa kontraktor na si Lawrence Lubiano.
Sakit-ulo talaga ang abutin ni Sen. Escudero dahil kapag napatunayan na guilty siya sa lahat ng alegasyon na iyan laban sa kanya, tanggal na siya sa pagka-senador, kulong pa siya, period!
XXX
GRACE POE IDINAWIT NA RIN SA FLOOD CONTROL KICKBACK KAYA KUNG NAGKATAONG BUHAY PA SINA FPJ AT SUSAN ROCES MALAMANG SERMON ANG ABUTIN SA THE KING AT THE QUEEN -- Sa nakaraang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay idinawit na nina former DPWH Usec. Bernardo, former DPWH-Bulacan 1st District Officials Henry Alcantara, Brice Hernandez at JP Mendoza sa flood control projects sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Sen. Escudero, former Sen. Nancy Binay at former Sen. Bong Revilla, pero kahapon ay idinagdag na ni Usec. Bernardo si former Sen. Grace Poe sa kickback sa flood control scandal.
Kung totoo nga na dawit sa anomalyang ito at nagkataong buhay pa ang parents niya na sina Fernando Poe, Jr. at Susan Roces, malamang sermon abutin niya sa The King and Queen ng Philippine cinema, boom!
XXX
DAHIL AYAW MAGLUBAY SA PAGPU-PROMOTE NG ONLINE GAMBLING, MALAMANG MGA VLOGGERS MAKULONG NG 6-TAON HANGGANG 20-TAON SA BILIBID -- Inirekomenda na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) sa PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan at kasuhan ang mga vloggers na kinabibilangan nina Whamos Cruz, Toni Fowler, Christian Grey at Nica Llamelo dahil ayaw maglubay ng mga ito sa pagpu-promote ng mga illegal online gambling sa social media.
Binalaan na noon ng CICC ang mga vloggers na tigilan na nila ang pagpu-promote ng mga online illegal gambling pero dahil sa ‘pagkagahaman’ sa perang kikitain ay hindi sila nagsipaglubay, at dahil isinumite na ng CICC ang mga nakalap nilang ebidensya sa PNP-ACG, at kapag napatunayan ng korte na sila (Cruz, Fowler, Grey at Llamelo) ay guilty, kulong sila mula 6-taon hanggang 20-taon sa Bilibid, period!








Comments