‘Pag lumuwag pa ang COVID restrictions Graduation sa kampus, posible na – DepEd

ni Lolet Abania | February 11, 2022

Maaari nang magkaroon ng mga in-person graduation ceremonies sa mga campuses kung magpapatuloy ang pagluluwag ng COVID-19 restrictions, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sinabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na inirekomenda na ng ahensiya ang expanded in-person classes at school-based activities, gaya ng graduation ceremonies kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kung tuloy-tuloy ito, hindi malayo na ‘yan maging posibilidad nga,” sabi ni Malaluan sa Laging Handa public briefing ngayong Biyernes. Gayunman, ayon kay Malaluan, kailangan pa rin nilang ikonsulta ito sa Department of Health (DOH).
Matatandaang nagsimula na ang mga paaralan na nasa ilalim ng Alert Level 2 ng pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes.
Una nang sinabi ng DepEd na tinatayang 304 public schools sa mga lugar na isinailalim sa Alert Level 2 ang handa na para makiisa sa expansion phase ng F2F classes.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, nasa tinatayang 6,347 public schools na isasama sana sa expansion phase ng limited F2F classes ang aniya, “underwent assessment and are deemed ready.”
Subalit, umabot lamang sa tinatayang 304 public schools ang handa nang magsimula sa limitadong face-to-face classes dahil na rin sa ang mga naturang lugar ay isinailalim sa Alert Level 2.





Comments