Pag-import ng PPE sa halip na tangkilikin ang gawang Pinoy, ‘wag naman!
- BULGAR
- May 2, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 2, 2021
Sa isang hearing sa Senado napag-alaman nating marami sa mga local medical-grade personal protective equipment (PPE) manufacturers sa Pilipinas ang tumitingin na sa ibang bansa para i-export ang kanilang mga produkto.
Ayon sa Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP), isa sa mga dahilan nito ay ang paglaganap ng mga masmura, ngunit substandard na PPEs na gawa sa ibang bansa.
Kaya naman, humihingi sila ng tulong sa ating pamahalaan na bigyan sana ng prayoridad ang locally made PPEs para sa mga ospital at health workers.
Dagdag ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP), 3,500 na trabaho sana ang kanilang naibigay kung mas pinaboran lamang ang pag-order ng PPEs mula sa local manufacturers noong nakaraang taon.
☻☻☻
Lumabas din sa aming hearing na sa pinakahuling procurement ng pamahalaan ng mga PPEs, 14% lamang ng total bid ang napunta sa ating mga local manufacturers at 86% ay napunta sa mga imported na PPEs.
Malaki ang pangangailangan sa PPEs ng ating bansa at nakalulungkot na tila mas pinapaboran ang pagbili sa mga imported na PPE sa halip na tangkilikin ang sariling atin.
Nakasaad sa “Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2”, na dapat unahin ng pamahalaan ang pagbili mula sa Filipino manufacturers at suppliers ng PPEs, facemasks iba pang protective equipment para sa mga health care workers at frontliners.
Dahil dito, magkakaroon ng pagdinig sa Senado para malaman kung bakit tila hindi ito nasusunod at para masigurong walang nagmamanipula ng mga bidding para sa PPEs.
☻☻☻
Kahapon ipinagdiwang natin ang Labor Day at nais lang nating magbigay-pugay sa lahat ng manggagawa na patuloy na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa gitna ng pandemya.
Saludo tayo at palagi nating ipinagmamalaki ang galing, tiyaga at pagpupursigi ng manggagawang Pilipino.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments