Pag-iingat vs. COVID-19, mas oks gawin nang maaga kesa magsisi sa huli

ni Ryan Sison - @Boses | December 16, 2020
Habang papalapit ang Kapaskuhan, hindi pa rin maawat ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, partikular sa Metro Manila.
Ayon sa isang doktor na fellow ng OCTA Research Group, nagsisimula na muling tumaas ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa ngayon aniya, 1.06% ang reproduction rate o bilang ng puwedeng mahawa, pero sa pagtatapos ng taon, tumaas pa ito ng 1.2%.
Sa kasalukuyan, nasa 400 COVID-19 cases kada araw ang naitatala sa Metro Manila.
Dahil dito, patuloy na naghahanda ang mga COVID-19 referral hospitals sa Metro Manila para sa posibleng pagsirit ng kaso ng COVID-19 ngayong holiday season.
Una nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng tumaas ang COVID-19 cases ngayong Kapaskuhan, kaya bagama’t todo-paalala ang mga awtoridad na doblehin ang pag-iingat ngayong holiday season, hindi maitatangging napakarami pa ring pasaway.
Sandamakmak na bata ang naglalaro sa mga kalye nang walang suot na facemask at dikit-dikit, kaliwa’t kanang party at inuman, gayundin ang mga mahilig maglakwatsa.
At ngayon ngang wala pang Pasko, nagsimula nang magkatotoo ang babala, kaya panawagan sa lahat, baka naman puwedeng triplehin pa ang pag-iingat.
Kung hindi maiwasang magkaroon ng ganap, sumunod pa rin sa health protocols at kung puwedeng ‘wag na ituloy, pass na lang muna.
Ilang buwan nang ipinaaalala na delikado ang mass gathering at ngayong Kapaskuhan, iwasan muna ito para walang hawaan.
‘Ika nga, tiis-tiis muna dahil mas mabuti nang umaksiyon ngayon kesa kumilos lang ‘pag malala na ang sitwasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments