top of page

Pag-ibig at sakripisyo at ang pamilyang Pilipino

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 16, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo| February 16, 2021



Dahil sa dami ng mga parokya na ang patron ay ang Banal na Pamilya, na karaniwang ipinagdiriwang sa linggo pagkatapos ng Pasko, ipinasya ni Jaime Cardinal Sin na gawing ikalawang linggo ng Pebrero ang Pista ng Sagrada Pamilya sa ilang parokya.


Isa na rito ay ang parokya ng Banal na Pamilya sa Kamias, Quezon City.


Paano makikita, mauunawaan, mapagkukunan ng biyaya’t lakas ang karanasan ng pinagsamang pag-ibig at sakripisyo sa buhay ng mga pamilya?


Napakaraming problemang kinahaharap ng pamilyang Pinoy sa kasalukuyang panahon. Dahil sa pandemya, kakaibang bigat at hirap ang kanilang dinaranas. Bagama’t magkakaiba ang mga problema, sabay-sabay itong nararanasan at nakaaapekto sa pagkakaisa, katatagan at pag-asa na kanilang nararanasan.


Kapag nagkasabay-sabay ang hagupit ng mga problema, siguradong iindahin ang mga ito ng pamilya. Ano ang maaaring gawin upang manatiling buo, matatag, masaya at mabunga sa kabila ng kahirapan, gutom at sari-saring panganib?


Ang binabanggit ng World Health Organization ay ang epekto ng pandemya sa kalusugang mental (mental health). Dahil sa pandemic, dumami ang nagkakaroon ng mga problema ng isip at damdamin. Kaya’t hindi sapat na paglaanan lang ng panahon at pera ang katawan kundi pati ang isip at damdamin.


Dahil dito, magandang magkaroon ang parokya ng mga programa na ibinibigay ang mga sumusunod na tulong at pagsasanay: Una, ang pagsasanay sa disiplina ng meditasyon at katahimikan. Pangalawa, ang pagkakaroon ng regular na exercise. Pangatlo, pag-aralan ang malusog at mas malinis na pagluluto at pagkain. Pang-apat, pagpapalalim ng buhay-espirituwal ng buong pamilya. Panlima, pag-aralan at gawin ang mga hakbang na magpapalapit sa mga kapitbahayan para magkatulungan ang lahat sa pagpapalakas at pagpapalusog ng isip; puso; katawan at diwa. Pang-anim, pag-aralan at gawin ang regular at mabungang pag-uusap-usap ng pamilya—mag-asawa at kanilang anak. Hindi lahat ng pamilya ay marunong mag-usap. Marami-rami ang nakalimutan na o hindi man natutong mag-usap kahit sa mababaw na antas.


Ang magandang modelo ay ang pinalalakas na Tahanang San Isidro. Ito ay grupo ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK. Malalim ang naging sugat ng bawat pamilya dahil sa pinatay na isa o mahigit isa sa mga miyembro nito. Pinag-aaralan kung paano magkaroon ng paghihilom sa sarili at sa relasyon ng iba’t ibang miyembro ng tahanan. Kapatawaran at paghihilom ay tulad ng pag-ibig at sakripisyo. Walag paghihilom kung walang pagpapatawad: pagpapatawad ng sarili, at pagpapatawad ng ibang nakasakit sa ‘yo.


Isang sakripisyo ang pagbibigay ng tulong, maaari na nating tawaging ayuda para sa isip, puso, damdamin, katawan, relasyon sa pamilya at sa iba. Mahirap ngunit mahalaga at kailangang-kailangan ito. Kung minamahal mo ang nasaktan o nangangailangan ng anumang “ayuda”, mag-sakripisyo, kalimutan ang sarili at bigyang-panahon ang nangangailangan sa iyong pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page