top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Pag-decriminalize ng libel, napapanahon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 22, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Sep. 22, 2024



Boses by Ryan Sison

Para sa mga mamamahayag ang nagiging tila mabigat na kalaban ay ang makasuhan ng libel. 


Kaya naman muling nanawagan ang isang opisyal ng Publishers Association of the Philippines (PAPI) na i-decriminalize na ang libel case. 


Ayon pa kay PAPI chair emeritus Johnny Dayang, umasa rin siya na mabawasan ang epekto ng cyber laws on press freedom, transparency at accountability mula sa executive branch, at maging compassionate at patas sa pagtrato ng mga kaso ng press freedom ng judiciary.


Sa naging talumpati ni Dayang sa ika-50 anibersaryo ng PAPI, nabanggit nitong ang kanyang wish list ay makita ang Kongreso na magpasa ng isang batas na nagde-decriminalize ng libel, gayundin, mabawasan ang epekto na ipinataw ng cyber laws sa isang malayang pamamahayag.


Sinabi rin ng opisyal na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay ang pangako para sa isang maunlad na pamamahayag sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya at ang pag-angat ng social media.


Iginiit naman ni Dayang na dapat na tingnan ang katotohanan na ang mga mamamahayag o journalists, nauuri man bilang reporter, editor o publisher, kahit na sila paminsan-minsa’y binansagan bilang creepy-crawlies, ay nananatiling tagapagsalita ng demokrasya at kinakatawan nito ang kalayaan.


Binigyang-diin din niya ang pangangailangan para sa mas matibay na mga batas na nagpoprotekta sa press freedom hindi lamang dahil kinakailangan, bagkus isang mahalagang tuntungan, kung saan maaaring mabawi ng ating bansa ang tinatawag na badge of honor bilang Asia’s freest press. 


Panahon na siguro para i-decriminalize ang mga libel case na kadalasang kinasasangkutan ng mga journalist.


Marahil, kung ikukumpara sa ibang mga kaso hindi naman ito nagiging banta o panganib sa buhay ng sinuman para ituring na krimen ang mga naisulat o naipahayag sa print.


Base kasi sa ating batas, ang libel laws ay kinaklasipika bilang crimes against honor. Kaya naman marami sa ating mga kababayang mamamahayag ang tila natatakot na ring makasuhan ng libel dahil maaaring mapatawan ng pagkakakulong sakaling mapatunayang nagkasala.


Sana lang ay makagawa na ng batas upang totoong ma-decriminalize ang kasong libelo.

Sa mga kapatid nating journalist, lagi sanang mag-ingat at panatilihin natin ang integridad ng ating mga isinusulat.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page