Pag-block sa malalaswang aktibidad ng mga internet service provider
- BULGAR
- Apr 3, 2024
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 3, 2024
Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako sa isang internet service provider na kumpanya at dahil dito, parte ng trabaho ko ang pagkakalap ng iba’t ibang impormasyon mula sa aming mga customer. Sa ilang pagkakataon na merong mga malisyoso o aktibidad na labag sa batas kung saan may mga nasasangkot na mga menor-de-edad, tinatanggal o bina-block namin ang nasabing site na may kinalaman sa mga malalaswang aktibidad. Kami ba ay may proteksyon sa ganitong sitwasyon? Salamat. -- Elvi
Dear Elvi,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 7 ng Republic Act (R.A.) No. 11930, o mas kilala bilang “Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act”, kung saan nakasaad na:
“Section 7. Protection of a Good Samaritan. — Any person who has the responsibility of reporting cases under this Act, blocking an internet address, removing a website or domain, taking down of shared videos, pictures, or messages for the services provided by an internet intermediary, and providing information for the purpose of an investigation or prosecution of a case involving acts of OSAEC shall not be held civilly, criminally or administratively liable: Provided, That the action was:
done in good faith;
necessary to prevent access or dissemination of CSAEMs; and
reported within twenty-four (24) hours from the act of blocking an internet address, removing a website or domain, or taking down of shared video, picture or messages.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang sinuman na may responsibilidad na mag-report ng anumang mga akto o aktibidad na tinutukoy sa mga probisyon ng R.A. No. 11930, pag-block ng internet address, pagtatanggal ng anumang website, o pag-alis ng mga naipamahagi na mga larawan, videos o mensahe na may kinalaman sa “anti-online sexual abuse or exploitation of children” (OSAEC) ay hindi magiging civilly, criminally or administratively liable. Upang masabi na hindi liable ang isang internet intermediary, nararapat na maipakita na ang kanyang akto ay ginawa nang may malinis na hangarin, at kailangan upang pigilan ang pag-access o pagkalat ng mga nasabing aktibidad na labag sa R.A. No. 11930. Kailangan din na i-report sa loob ng 24 oras ang ginawang pag-block ng internet address, pagtanggal ng website, o pag-alis ng mga ilegal na larawan, videos o mensahe.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments