top of page

Pag-ban sa paggamit ng smartphone sa iskul, suportado ng marami

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 2
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 2, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo ay ipinasa sa South Korea ang isang batas na layong ipagbawal ang paggamit ng mga smartphone sa kanilang mga silid-aralan. Sinundan ng South Korea ang mga bansang naghigpit sa paggamit ng smartphone sa kanilang mga paaralan, kabilang ang United Kingdom, Spain, at Belgium. 


Noong nakaraang 19th Congress, naghain ang inyong lingkod ng isang panukalang batas upang ipagbawal ang paggamit ng mga smartphone at electronic gadgets. Nang magbukas ang 20th Congress, muling inihain ng inyong lingkod ang naturang panukala. 

Sa ilalim ng inihain nating Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 627) ngayong 20th Congress, imamandato sa Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng mga pamantayang magbabawal sa paggamit ng mga smartphone at iba pang electronic gadgets sa oras ng klase. Saklaw ng isinusulong na ban ang ating mga guro at mag-aaral mula Kindergarten hanggang senior high school. 


Ngunit may mga pagkakataong maaari pa ring gamitin ang mga smartphone at iba pang mga electronic gadgets. Halimbawa, maaaring gamitin ang mga ito sa mga gawaing may kinalaman sa pag-aaral katulad ng mga classroom presentation. 


Maaari ring gamitin ang mga smartphones at iba pang gadgets kung may kinalaman sa kalusugan. Halimbawa nito ang mga kondisyong nangangailangan ng tulong ng mga gadget. Maaari ring gamitin ang mga smartphone at gadgets kung may kinalaman ito sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mag-aaral, tulad halimbawa sa mga field trip at iba pang exercises sa labas ng paaralan.


Bagama’t isinusulong natin ang paggamit ng teknolohiya para makatulong sa edukasyon, nais din nating tiyakin na hindi ito nakakaabala sa kanilang mga aralin at nagagamit ito upang makatulong sa ating mga mag-aaral. Sa katunayan, lumabas sa isang ulat ng UNESCO noong 2023 na matapos magpatupad ng smartphone ban, nakita sa mga bansang kagaya ng United Kingdom, Spain, at Belgium na umangat ang performance ng mga mag-aaral. 


Nakita rin natin sa resulta ng 2022 Programme for International Student (PISA) na batay sa karanasan ng ating mga mag-aaral, naaabala sila ng smartphones at nagdudulot ito ng mas mababang marka. Walo sa 10 mag-aaral na 15-taong gulang ang nagsabing naabala sila ng paggamit ng smartphone sa klase, at parehong bilang ang nagsabing naaabala sila kapag merong ibang mag-aaral na gumagamit ng smartphone sa oras ng klase. 


Batay din sa resulta ng PISA, ang pagkakaabala na dulot ng paggamit ng smartphone ay nagdudulot ng pagbaba ng marka ng mga mag-aaral: 9.3 points sa mathematics, 12.2 points sa science, at 15.04 points sa reading.


Suportado naman ng ating mga kababayan ang panukalang ipagbawal ang mga smartphone sa ating mga paaralan. Batay sa isang Pulse Asia survey na isinagawa noong Hunyo 2024, 76% o halos walo sa 10 Pilipino ang nagsasabing sinusuportahan nila ang pagbabawal ng mga cellphone sa mga paaralan. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page