Pag-asa sa inagurasyon ni VP Sara Duterte
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 20, 2022
Isa tayo sa maraming opisyal ng pamahalaan na dumalo sa ginanap na inagurasyon kahapon ni Vice-President Sara Duterte na ngayo'y itinalaga pa bilang Department of Education (DepEd) Secretary. Ramdam na ramdam ang pagbuhos ng emosyon hinggil sa matinding pag-asa na nararamdaman ng ating mga kababayan sa naganap na seremonya.
Hindi mahulugang-karayom ang dami ng mga nagsidalo sa inagurasyon ni VP Sara na isinagawa kahapon ng alas-3: 00 ng hapon sa San Pedro Square, Davao City na maituturing na tagumpay na naisakatuparan sa tulong ng halos 3,700 kaanib ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine Coast Guard (PCG). Pinangunahan ni Supreme Court Justice Ramon Paul L. Hernando, na siyang nangasiwa sa naturang inagurasyon na kasabay ng pagdiriwang ng Father’s Day, na labis namang ikinatuwa ni outgoing President Rodrigo Duterte.
Mula simula hanggang matapos ang isinagawang oath taking ay kitang-kitang ang saya ng mga nagsidalo nating kababayan na lahat ay buong-buo ang pag-asa na mas lalo pang gaganda ang takbo ng pamahalaan, partikular ang DepEd na puno rin ang kinahaharap na hamon.
Unang-una na ang pagbabago ng sistema na mula sa online learning na ilang taon ding nakasanayan ng mga magulang at mag-aaral na ngayo'y kailangan ng ibalik sa face-to-face classes sa darating na pagbubukas ng klase.
Bagama’t umiiral na ang sistema ng K-12 ay mas makabubuting muli itong tingnan ng bagong pamunuan ng DepEd upang matiyak kung epektibo ba talaga ang pagbabagong ito na tinitingnan ng ilang magulang na karagdagang hirap at gastusin lamang.
Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay hindi naman nagpapahuli at sa katunayan ay dati itong pinamamarisan ng iba pang bansa mula sa Southeast Asian countries ngunit sa paglipas ng panahon ay tila unti-unti na tayong nauungusan.
Isa pa sa susuungin ni VP Sara ay ang budget para sa edukasyon na bagama’t may mandato ang Philippine Constitution sa gobyerno na magtalaga ng malaking bahagi ng pondo para sa edukasyon ay nananatili pa rin ang Pilipinas ang may pinakamababang pondo para rito kung ikukumpara sa buong ASEAN countries.
Dagdag-problema rin ang kakayahang magpaaral ng mga magulang dahil maraming mag-aaral, lalo na ‘yung mga nasa malayong lalawigan ang mula sa hanay ng mga kababayan nating walang maayos na hanapbuhay ay hindi masuportahan ng todo ang pangangailangan ng mag-aaral.
Ang kahirapan din ang nakikitang dahilan kaya may mga pagkakataong bumabagsak ang rating ng ating edukasyon, lalo na sa elementary level dahil maraming mag-aaral ang sa halip na mag-aral ay sumasabak na sa maagang pagtatrabaho.
Malaking problema rin ng bagong pamunuan ng DepEd kung paano mahihikayat ang mga biktima ng child labor na magbalik sa eskuwela dahil kahit paiba-iba ang inilalabas na datos ay tinatayang nasa 600,000 hanggang 2.1 milyong bata ang sumasabak na sa maagang pagtatrabaho.
Nakakaalarma rin ang pagtaas ng out-of-school youth o drop-out rate na ayon sa datos ng DepEd ay nasa 6.38% ang nagmula sa primary school at 7.82% ay mula naman sa secondary school na mula sa 1.4 milyon sa kabuuan ay tila mas tumaas pa dulot naman ng pandemya.
Dapat ding tugunan ang pagsasaayos ng kalagayan ng mga batang mula sa pribadong paaralan ay naglipatan sa public schools na naganap nitong nagdaang dalawang taon dahil maraming magulang ang nawalan ng hanapbuhay.
Kung dati-rati ay nairaraos ang buong taon ng pag-aaral sa pamamagitan ng paghihiraman ng libro ng mga mag-aaral ay tila malaking isipin din sa DepEd ang gadgets na pangunahing kailangan na sa kasalukuyang sistema ng edukasyon.
Epekto pa rin ng pandemya ang hindi nagamit na pasilidad sa mga pampublikong paraalan na dalawang taong pinamahayan ng alikabok at iba pang dumi na kadalasang sanhi ng pagkasira o maagang pagkabulok ng mga bahagi ng gusali, lalo na ‘yung gawa sa kahoy.
Hindi naman kaila sa marami nating kababayan na santambak ang kakulangan sa ating mga public schools tulad ng classrooms, teachers, desks, textbooks, audio materials at marami pang iba na noon pa man hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin napupunuan.
Sa ngayon ay umaabot sa 4,177 bata ang ipinapanganak sa Pilipinas araw-araw na ang ibig sabihin ay 174 babies bawat oras o tinatayang tatlong babies kada minuto na ilang taon mula ngayon ay magsisipasok na sa eskuwela kaya marapat lamang na paghandaan natin ito.
Hindi rin biro ang kakaharaping problema ni VP Sara sa pagtanggap niya na pamunuan ang DepEd ngunit buo ang tiwala ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos (PBBM) na tulad ng ipinamalas nitong kakayahan bilang mayor ng Davao City ay maisasaayos nito ang DepEd.
Ganito ang nasaksihan natin sa inagurasyon kahapon, kitang-kita natin ang napakataas na pag-asa ng mga tao hindi lang kay VP Sara kung hindi maging kay P-BBM na nakatakda namang manumpa sa darating na Hunyo 30.
Siyempre, hindi maiiwasan na magparamdam ang mga regular na nagsasagawa ng protesta na sa dinami-dami ng araw para magpahayag ng saloobin ay itinataon pa nila sa mga makasaysayang okasyon at hindi umano ito panggugulo dahil ang tawag nila rito ay malayang pamamahayag.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments