top of page

Pag-alala sa Kabayanihan ni Dr. Jose Rizal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 29, 2021
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 29, 2021



Bukas ang buong bansa ay deklaradong national non-working holiday bilang paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal at pag-alala sa hindi matatawarang kabayanihang kanyang iniambag sa kasaysayan ng bansa.


Taun-taon tuwing sasapit ang ika-30 ng Disyembre ay pinakatampok sa ‘Araw ng Kabayanihan ni Rizal’ ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas bilang bahagi ng seremonya na karaniwang isinasagawa sa Luneta Park, Rizal Shrine sa Calamba, Zamboanga at Rizal Monument sa Baguio City.


Isang malaking kontrabersiya na ginugunita natin ang Rizal day tuwing ika-30 ng Disyembre ng bawat taon samantalang ito ang anibersaryo ng makasaysayang kamatayan ni Rizal sa halip na gunitan ito sa araw ng kanyang pagsilang noong Hunyo 19, 1861 na dapat masayang selebrasyon.


Si Rizal ay inaresto ng mga Kastila dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa serye ng pag-aaklas na humantong sa pagsiklab noong 1896 na tinaguriang Philippine Revolution at ikinulong sa Fort Santiago hanggang sa mahatulan ito ng kamatayan noong Nobyembre 3, 1896.


Inakusahan siya ng mga kasong rebellion, sedition at forming illegal association, hanggang sa umaga ng Disyembre 30, 1896 ang 35-anyos na si Rizal ay binaril sa Bagumbayan Field na ngayon ay mas kilala na sa tawag na Luneta Park.


Ang paggunita natin sa Rizal Day ay nagsimula nang maglabas ng decree si General Emilio Aguinaldo noong Disyembre 20, 1898 na nagdedeklara na ang Disyembre 30 na anibersaryo ng kamatayan ni Rizal ay maging ‘pambansang pagluluksa’ din para kay Rizal at sa iba pang biktima ng mga Kastila.


May direktiba rin si Gen. Aguinaldo na itaas ang watawat ng Pilipinas sa kalahating poste ng bandila mula alas-12: 00 ng tanghali ng Disyembre 29 at isasara ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa mismong Disyembre 30, bilang pagluluksa.


Ang naturang kautusan ay matatagpuan sa government organ na El Heraldo de la Revolucionna na inilabas noong Disyembre 25, 1898 na isinailalim sa dalawang lengguwahe na Tagalog at Spanish.


Ang kauna-unahang selebrasyon ng Rizal Day sa bansa ay isinagawa noong Disyembre 30, 1898 sa pamamagitan ng pag-aalis ng taklob sa monumento ni Rizal sa bayan ng Daet sa Camarines Norte na kauna-unahang monumentong itinayo bilang pagkilala sa kabayanihan ni Rizal.


Ang rebolusyunaryong pamamahala ni Aguinaldo ay hindi nagtagal nang dumating ang mga Amerikano na nagtayo ng sariling panuntunan sa bansa kung saan ay nakita nila kung gaano kamahal ng mga Pinoy si Rizal at dito ay naglabas sila ng Act. No. 243 na pinagtibay noong Septyembre 28, 1901.


Ito ay nagbibigay-karapatan na magamit ang public land sa Luneta na makapagtayo ng monumento ni Rizal mula sa pinagsama-samang pondo ng ilan sa ating mga kababayan at malapit na kakilala mismo ni Rizal na hanggang ngayon ay isa sa nangungunang tourists spot sa bansa.


Ang naturang monumento ay natapos at tinanggalan ng taklob noong Disyembre 30, 1913, kung saan isinabay sa ika-17 anibersaryo ng kamatayan ni Rizal at noong Pebrero 1, 1902 — ang Philippine Commission ay pinagtibay naman ang Act. No. 345 na nagtatakda na ang Disyembre 30 sa bawat taon ay Rizal Day na isa sa sampung official holidays sa bansa.


Ang Disyembre 30 bilang national holiday ay nagpatuloy pa nang pagtibayin ng mga sumunod pang Pangulo ng bansa bukod pa sa Republic Act No. 229 na pinagtibay naman ni Pangulong Elpidio Quirino noong Hunyo 9, 1948 na magbuo ng komite na mamamahala sa maayos na pagdiriwang ng Rizal Day sa bawat munisipalidad at chartered city.


Ganyan ang pagpapahalagang ibinibigay natin sa tuwing sasapit ang Rizal Day na sinimulan ng ating mga ninuno at patuloy pa ring inaalala ng mga nagdaan at susunod pang pamahalaan bilang taos-pusong pasasalamat sa kabayanihang ginawa niya sa bansa.


Dalawa sa pinakapopular na librong kanyang isinulat ang The Social Cancer na may orihinal na titulong Noli Me Tangere (Touch Me Not) at ang El Filibusterismo (The Reign of Greed) na gumising sa kamalayan ng marami nating kababayan at nagbigay tapang para manindigan.


Ang naturang mga libro ay patuloy pa rin ang ginagawang paglilimbag taun-taon dahil bahagi ito ng pag-aaral ng ating kabatang Pilipino upang higit nilang makilala ang pinagmulan ng kinikilala nating pambansang bayani at kung bakit si Rizal ang karapat-dapat maging pambansang bayani at wala nang iba pa.


May mga nagdaang panahon na may mga paggalaw upang palitan ang isinasagawa nating pagbibigay ng alaala sa Rizal Day na mula umano sa Disyembre 30 ay gawin ito sa kanyang kapanganakan na Hunyo 19 at hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang pagtatangka hinggil d’yan.


Ibinabase ng ilang grupo na nais baguhin ang petsa ng Rizal Day sa argumentong ang Hunyo 19 umano ay positibong selebrasyon dahil sa ito ang kanyang kaarawan na tulad ng iba ay masaya itong ipinagdiriwang at hindi dapat sa negatibong araw ng kanyang kamatayan.


Makabaluhan din umano na ipagdiwang ang Rizal Day ng Hunyo 19 dahil sa panahon ito makabayang alalahanin tulad ng National Flag Day na isinasagawa tuwing Mayo 28 at Independence Day tuwing Hunyo 12 hindi tulad ng Disyembre 30 na hindi gaanong napapansin dahil abala ang lahat sa panahon ng bakasyon dulot ng Kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.


Maganda ang mga pagmamalasakit tungkol sa Rizal Day, ngunit hangga’t hindi pa ito opisyal na binabago ay saglit nating pagtuunan ng pansin na bukas Disyembre 30 ay ‘Araw ng Kabayanihan ni Dr. Jose Rizal’ at hindi puro pag-iwas sa paputok at pagbili ng torotot ang ating pinagkakaabalahan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page