Pag-absuwelto sa utang at ayuda sa mga magsasaka, ‘wag sanang sayangin
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 10, 2023
Walang paglagyan ang aking tuwa hinggil sa pagkakapasa ng Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act dahil ang inyong lingkod mismo ang author ng Senate Bill No. 1405 o ang ‘Debt Burden Emancipation for Agrarian Reform Land Beneficiaries Act’ na naging sanhi ng Senate counterpart bill.
Nilagdaan mismo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) noong nakaraang Biyernes ng umaga sa Malacañang na labis na magpapagaan sa takbo ng buhay ng ating mga magbubukid.
Ang bagong batas na ito ay hahayaan na ang lahat ng utang na isinagawa ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) kabilang na ang principal at kabuuang tubo o interes, penalties at surcharges mula sa mga lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at iba pang agrarian reform programs at batas.
Sobrang nakakagalak ng puso na tuluyan nang naisabatas ang New Agrarian Emancipation Bill na iniakda at sinuportahan natin sa Senado. Isa itong malaking panalo para sa ating mga magsasaka na ngayon ay hindi lang may sariling lupa na sasakahin, kung hindi wala nang utang na babalikatin.
Kumbaga, malayang-malaya na ang ating mga magsasaka sa rehas ng pagkakautang na matagal na nilang inaalala kung paano makakakawala sa kabila ng kanilang araw-araw na pagsisikap na pagyamanin ang mga lupaing pinagkukunan ng makakain ng marami nating kababayan.
Hindi lamang 610,054 ARBs ang makikinabang sa positibong hakbangin na ito dahil tagumpay din ito ng kani-kanilang mga pamilya at sa pangyayaring ito ay damang-dama ang ating pag-agapay sa kanilang panibagong pagkakataon na makaahon sa buhay.
Siyempre, pinasasalamatan natin ang ating Pangulo at naging bahagi ang batas na ito ng kanyang legislative priorities dahil hindi mangyayari ang lahat nang ito kung pinabayaan lamang niyang nakatambak sa kanyang lamesa ang napakahalagang batas na ito.
Ang maganda nating layunin para sa mga kababayan nating nagsusunog ng balat at kinakalyo ang mga kamay sa paglilinang ng lupa ay nagbunga na kaya taus-puso ang ating pasasalamat sa mahal nating Pangulo dahil sa pangunguna niyang maisakatuparan ang lahat.
Sa kabila ng mga tagumpay na ito ay hindi pa rin tayo titigil na magsagawa ng mga kapaki-pakinabang na batas na magpapaunlad sa buhay ng ating mga magsasaka at kanilang mga pamilya.
Unti-unti ay nababawasan na ang mga kababayan nating nais magsaka dahil sa pananaw na tila nakakaligtaan na sila ng pamahalaan ngunit sa pangyayaring ito ay inaasahang sisigla at daraming muli ang babalik sa pagsasaka.
Mali ang kasabihang kalabaw lang ang tanging kakampi ng mga magsasaka, dahil lagi akong kakampi ng mga magsasaka sa Senado para mas mapaganda pa ang kanilang buhay at kabuhayan sa tulong ng ating mga polisiya na mag-aangat sa kanilang kapakanan.
Hindi biro na maabsuwelto sa P57.56 bilyong utang ang 610,054 ARBs sa napakatagal na nilang suliranin sa gitna ng kanilang pagtatanim sa 1.173 milyong ektarya ng lupa na ngayon magbibigay sa kanila ng panibagong pag-asa.
Dahil sa pagkakaabsuwelto sa bilyun-bilyong utang na ito ay inaasahang lalago at muling uunlad ang kanilang kabuhayan kasabay nang pag-angat ng kanilang pagiging produktibo na sa huli ay ang buong bansa rin ang makikinabang.
Hindi lang basta inabsuwelto sa pagkakautang ang magiging pakinabang ng mga magsasaka dahil sasagutin na rin ng pamahalaan ang obligasyong bayaran ang nalalabing direct compensation balance sa mga may-ari nito sa ilalim ng Voluntary Land Transfer o Direct Payment Scheme, kabilang ang 10,201 ARBs sa 11,531.24 hektarya ng lupa na nagkakahalaga ng halos P206.25 milyon.
Ang bagong batas na ito ay sakop din ang mga magsasaka na pinagkalooban ng lupa sa ilalim ng Presidential Decree 27, Republic Act 6657, at Republic Act 9700, at maging ang mga may nakabinbin pang bayarin sa Land Bank of the Philippines (LBP) at iba pang pribadong may-ari ng lupa hanggang nitong Disyembre 31, 2022.
Ang New Agrarian Emancipation Act, ang isa sa 33 inaprubahang panukala sa orihinal na 42 priority measures ng administrasyong Marcos na dapat nating ipagpasalamat dahil dininig ang ating pagsisikap at panalangin.
Mabuhay ang ating mga magsasaka at sana ay huwag ninyong sayangin ang bagong pagkakataong ito na ibinigay ng pamahalaan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments