Pag-abstain nina Zubiri at Ejercito sa Senate vote, pinalagan
- BULGAR

- 5 hours ago
- 1 min read
ni Gina Pleñago @News | May 18, 2026

Photo: Miguel Zubiri at JV Ejercito - Senate PH
Mayroon umanong hidden agenda ang botong abstain nina Senador Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito sa pagpapalit ng liderato ng Senado.
Ito ay matapos na umugong ang balitang papalitan diumano ni Zubiri ang bagong halal na si Senate President Alan Peter Cayetano at kukuha ng suporta mula sa miyembro ng mayorya at minorya.
Matatandaang sa sinasabing biglaang rigodon sa Senado ay pinalitan ni Cayetano si Sen. Vicente “Tito” Sotto III sa botong 13-9-2. Ipinagtataka umano ng publiko na sa halip na pumili sina Zubiri at JV Ejercito sa dalawa ay pinili pang walang iboto.
Sa isang panayam sa political scientist na si Cleve Arguelles sa programang Ted Failon and DJ Chacha sa 105.9 True FM, tahasan niyang sinabi na ang hakbangin ng dalawa ay nakadidismaya. Itinuturing umano ni Arguelles na ang pag-iwas ng dalawang beteranong senador ay nagpapakita ng hindi magandang indikasyon sa pananagutan ng mga lider ng bansa. Binigyang-diin pa na ang pag-atras ng mga mambabatas sa panahon ng malalaking pagbabago sa institusyon ay nag-iiwan ng malaking tanong sa mga botante kung nasaan nga ba ang tunay na prinsipyo ng kanilang mga inihalal kapag dumarating ang mga kritikal na desisyon.
Kaugnay nito sinabi Atty. Ruphil Fernandez Bañoc sa programang Straight to the Point sa DYHP RMN Cebu na ang pagpili ng liderato sa Senado ay usaping konstitusyonal na hindi puwedeng daanin sa “safe play.”





Comments