Pag-aampon ng pamangkin na naulila
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 5, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking pinsan na namayapa na noong nakaraang linggo ay mayroong naiwan na isang anak sa pagkadalaga na dalawang taong gulang pa lamang. Dahil dito, napagdesisyunan naming mag-asawa na ampunin na ang aking pamangkin sa nasabing kong pinsan. Maaari ba namin itong agad na gawin o may panahon ba na dapat naming hihintayin bago namin masimulan ang proseso ng pag-aampon sa bata? - Mika
Dear Mika,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong sitwasyon ay ang Section 22 (g) ng Republic Act No. 11642 o mas kilala sa tawag na Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act, kung saan nakasaad na:
SECTION 22. Who May Be Adopted. – The following may be adopted: x x x
(g) A child whose biological or adoptive parents have died: Provided, That no proceedings shall be initiated within six (6) months from the time of death of said parents;”
Sang-ayon sa nabanggit, ang mga mag-aampon ay dapat maghintay muna ng anim na buwan bago nila simulan ang proseso ng pag-aampon sa batang naulila dahil sa pagkamatay ng kanyang mga magulang, biological man o adoptive. Ibig-sabihin, dapat munang hintayin ninyong mag-asawa na matapos ang anim na buwang palugit bago ninyo simulan ang proseso ng pag-aampon ng inyong pamangkin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments