Pag-aampon ng mag-asawang legally separated
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 28, 2022
Dear Chief Acosta,
Nais kong legal na ampunin ang aking pamangkin. Kung ito ay aking itutuloy, dapat bang kasama kong mag-aampon ang aking asawa kahit na kami ay legally separated na? - Suzie
Dear Suzie,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 21 ng Republic Act No. 11642 o mas kilala sa tawag na “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act” kung saan nakasaad na:
“Section 21. Who May Adopt. – The following may adopt: x x x
Spouses shall jointly adopt, except in the following cases:
(a) If one spouse seeks to adopt the legitimate child of the other; or
(b) If one spouse seeks to adopt own illegitimate child: Provided, That the other spouse has signified consent thereto; or
(c) If the spouses are legally separated from each other;” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit na batas, kailangang magkasamang mag-ampon ang mag-asawa. Pinapayagan lamang na mag-ampon ang taong may asawa nang mag-isa o hindi kasama ang kanyang asawa sa tatlong sitwasyon. Ang isa ay kapag legally separated na ang mag-asawa. Ibig sabihin ng legally separated ay mayroong pinal (final) na desisyon ang korte na nagtatakda ng paghihiwalay ng mag-asawa.
Sa iyong sitwasyon, nabanggit mo na legally separated na kayo ng iyong asawa. Dahil dito, hindi na kailangang kasama mo siya kung itutuloy mo ang iyong planong ampunin ang iyong pamangkin. May karapatan ka na mag-ampon nang mag-isa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments